top of page

Regine, hindi pa magreretiro sa showbiz matapos ang ‘FINALE’

Kimberly Asis / Sari Story News

September 28, 2026 at 11:44:25 AM

Poster 'Finale' ni Regine Velasquez.

Iscreengrab na larawan mula sa Facebook account ni Regine Velasquez-Alcasid.

FACEBOOK / Regine Velasquez-Alcasid

Hindi pa tuluyang magreretiro si Regine Velasquez.


Nilinaw ng aktres at singer na maaaring ang “FINALE” na ang kanyang huling major solo concert sa isang malaking venue, ngunit hindi ito nangangahulugang magreretiro na siya sa showbiz.


“I’m not totally retiring yet. I’m not retiring pa. As a matter of fact, I just recorded a new album,” ani Regine.


Ipinaliwanag ng 56-anyos na kahit wala siyang planong tuluyang tumigil sa pagtatrabaho, hindi na niya balak magsagawa ng malalaking concert dahil sa pisikal, emosyonal, at mental na hirap na kaakibat nito.


“Hindi na lang ako gagawa ng big concert because I don’t think kaya ko pa. It’s too much work for me,” aniya.


Ibinahagi rin ni Regine kung paano nakaapekto sa kanyang katawan ang pagtanda at kung gaano na kahirap maghanda para sa mga produksiyong ganito kalaki.


“Ang hirap kasi gumawa ng concert kapag ganitong age ka na. Just too demanding for someone like me who’s aging. And I can feel it. I’ve been saying this a long time ago. I don’t wanna be ridiculed about it anymore,” aniya.


Naghahanda na si Regine para sa concert mula pa noong Enero at naglaan ng oras para magsanay ng kanyang mga kanta. Nagsimula rin siyang mag-ehersisyo noong Pebrero. Hindi pa nagsisimula ang rehearsals, ngunit inaasahang magsisimula na ang mga ito sa mga susunod na araw.


“Sumasakit na iyong ulo ko. I have been preparing since January. I’ve been practicing. Since February, I exercise, hindi lang kasingdalas. But it’s a big help,” aniya.


Magkakaiba rin ang mapapanood ng mga fan bawat gabi, dahil mag-iiba ang setlist sa bawat show ng tatlong-gabing concert series.


“Ang ginawa namin, iba-ibang repertoire each night. So iba-iba. Syempre merong nakaposte, like the opening, pare-pareho iyon. Iyong pinaka-finale song, pareho. Pero ‘yung gitna, iba-iba ‘yung madidinig mo,” aniya.


Dahil sa pabago-bagong setlist, mas marami siyang maihaharap na kanta mula sa kanyang 40-taong karera, kabilang ang mga kantang kanyang na-record, pinasikat, at naging signature songs niya. Tinatayang 20 kanta ang itatampok sa bawat show.


Sa halip na ituring ang “FINALE” bilang pagtatapos ng kanyang karera, itinuturing ito ni Regine bilang pagdiriwang ng lahat ng kanyang naabot sa mahigit apat na dekada sa industriya at ng paglalakbay na ibinahagi niya sa kanyang mga tagahanga.


Gaganapin ang “FINALE” mula Oktubre 17 hanggang 19 sa SM Mall of Asia Arena. Libre naman ang admission sa October 18 show bilang pasasalamat ni Regine sa kanyang mga supporter.

bottom of page