top of page

Prince William, na mahilig sa pelikula at minsang nangarap maging DJ, naging panauhin sa talk show sa UK

Sarah Young/Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network

October 25, 2026 at 7:22:11 AM

Larawan nina Prince William ng Wales, Cate Blanchett, Hannah Waddingham at Robert Irwin

Sina Prince William ng Wales, Cate Blanchett, Hannah Waddingham at Robert Irwin habang kinukunan ang The Graham Norton Show sa BBC Studioworks 6 Television Centre sa Wood Lane, London. Nakatakdang ipalabas ang episode sa BBC One sa Biyernes ng gabi, Oktubre 22, 2026.

Matt Crossick/Assignments/Press Association

LONDON — Ibinahagi ni Prince William ang pagkahilig niya sa mga pelikula ni Christopher Nolan at ang dati niyang pangarap na maging DJ nang maging panauhin siya sa isang talk show sa telebisyon sa United Kingdom noong Biyernes upang i-promote ang taunang parangal niya para sa mga makabagong solusyon sa climate change.


Sa edad na 44, ilang taon nang regular na lumalabas ang tagapagmana ng trono sa mga programang may mas kaswal na format upang mas makaugnay sa mga nakababatang manonood. Kabilang dito ang Radio 1, isa sa pinakamalalaking himpilan ng radyo sa UK na tumatarget sa mga wala pang 30 taong gulang, at mga podcast tungkol sa palakasan.


Nagulat ang mga panauhing celebrity, kabilang ang mga aktres na sina Cate Blanchett at Hannah Waddingham, nang makisama si William sa kanila sa sopa para sa isang episode ng The Graham Norton Show ng BBC, na nakatakdang ipalabas sa Biyernes ng gabi.


Nang tanungin kung paano siya nagpapahinga, sinabi niyang sabay-sabay nilang pinanonood ng kanyang pamilya ang reality show na The Celebrity Traitors. Para naman sa personal niyang libangan, musika at mga pelikula ang kanyang kinahihiligan.


“Malaking tagahanga ako ng lahat ng ginagawa ni Christopher Nolan. Napakahusay ng kanyang mga pelikula — madilim at malalim sa sikolohikal na aspeto ang seryeng The Dark Knight, at talagang gustong-gusto ko iyon (I'm a big fan of everything Christopher Nolan does. His films are fantastic – The Dark Knight series is psychologically dark and deep and I absolutely love that)”, ani William.


“Kumukuha siya ng mga konseptong talagang kakaiba at ginagawa niyang lubhang nakaaaliw ang mga ito (He takes concepts that are completely out there and makes them incredibly entertaining)”, dagdag niya.


Bago niya tanggapin na balang-araw ay magiging hari siya, sinabi ni William na dati niyang nais maging pulis.


“Pagkatapos, dumaan ako sa panahong gusto kong maging DJ — hindi ako ganoon kagaling (Then I went through a phase of wanting to be a DJ – I wasn’t very good),” aniya.


Sa mga nakalipas na taon, sinikap ni William na magbahagi ng ilang detalye tungkol sa kanyang personal na buhay nang hindi labis na inilalantad ang mga hamong kaakibat ng pamumuhay sa mata ng publiko.


Dalawang taon na ang nakalilipas, kapwa nagsimulang sumailalim sa paggamot para sa kanser ang kanyang amang si Haring Charles at ang kanyang asawang si Kate. Nasa remission na ngayon ang kanyang asawa, habang nagpapatuloy pa rin ang paggamot kay Charles. Matagal na ring hindi maganda ang ugnayan ni William sa kanyang kapatid na si Prinsipe Harry, na halos anim na taon na niyang hindi nakakasundo matapos maglathala si Harry ng isang aklat tungkol sa pagkasira ng kanilang relasyon at paulit-ulit na batikusin ang maharlikang pamilya.


Tungkol naman sa The Earthshot Prize, na itinatag niya anim na taon na ang nakalilipas upang pagkalooban ng tig-£1 milyon ang limang mananalo bilang pondo sa kanilang mga ideyang makatutulong sa pangangalaga ng kapaligiran, sinabi ni William na layunin nitong maghatid ng pag-asa at positibong pananaw sa isang usaping maaaring magdulot ng panghihina ng loob.


“Maraming kahanga-hangang tao ang gumagawa ng mga bagay upang protektahan ang mundo (There are some amazing people out there doing things to protect the world),” aniya.


bottom of page