Planong concert ni Kanye West sa Russia, kanselado ayon sa organizer
Sandra Samala-Salem
October 1, 2026 at 3:00:17 PM
Kinansela ang dalawang concert ng Amerikanong rapper na si Kanye West sa Russia na nakatakdang ganapin ngayong Oktubre, ayon sa organizer ng programa na SAY Agency.
Si West, na kilala rin bilang Ye, ay nakatakdang magtanghal sa St. Petersburg. Ngunit isang linggo matapos ianunsyo ang mga concert noong kalagitnaan ng Agosto, sinabi ng lugar na pagdarausan sana nito na hindi ito kailanman lumagda ng kontrata sa mga organizer, na isang hiwalay na kumpanyang nakabase sa Moscow.
Mula noon, nanatiling hindi malinaw ang katayuan ng mga show dahil walang malinaw na kumpirmasyon mula sa mga organizer kung matutuloy ang mga ito.
“Mga kaibigan, ikinalulungkot naming ipabatid na hindi matutuloy ang mga concert ni YE sa St. Petersburg sa mga nakatakdang petsa. Maglalabas kami ng opisyal na pahayag tungkol sa katayuan ng proyekto at sa aming mga susunod na plano sa lalong madaling panahon (Friends, it is with sincere regret that we inform you that the YE concerts in St. Petersburg will not be able to take place on the scheduled dates. We will issue an official statement regarding the status of the project and our future plans in the near future),” pahayag ng Say Agency sa Telegram nitong Miyerkules.
Kinansela ang ilang concert ni West at pinagbawalan siyang magtanghal sa ilang bansa sa Europa ngayong taon kasunod ng dati niyang mga anti semitic na pahayag, kabilang ang pagpuri kay Adolf Hitler at paggamit ng mga simbolong Nazi.
Noong Enero, humingi ng tawad si West sa mga naturang pahayag at sinabi niyang may kaugnayan umano ang mga ito sa hindi nasuring brain injury at hindi nagamot na bipolar disorder.
Kung natuloy ang mga concert, kabilang sana si West sa pinakamalalaking international music star na nagtanghal sa Russia mula nang ilunsad ng Moscow ang malawakang digmaan laban sa Ukraine noong 2022.
Binatikos ng ilang Russian military blogger na sumusuporta sa digmaan ang planong pagtatanghal at kinuwestiyon kung nararapat bang magtanghal sa Russia ang isang Amerikanong performer habang patuloy na nagbibigay ang Washington ng tulong militar at pinansiyal sa Ukraine.
Binatikos din ng tagapagsalita ng Russian Foreign Ministry na si Maria Zakharova ang planong mga pagtatanghal at tinawag itong hindi katanggap-tanggap habang binanggit ang tinawag niyang ‘pagpupuri’ ni West kay Hitler.

