Paul Bettany, nakabangon sa paghina ng karera sa tulong ng Marvel
Francesca Halliwell/Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network
October 14, 2026 at 2:20:29 PM
Sinabi ng British actor na si Paul Bettany na malaki ang naging pagbabago sa kanyang karera at personal na buhay dahil sa Marvel, matapos siyang alukin ng papel bilang Vision mahigit isang dekada na ang nakalipas sa isang hindi inaasahang pangyayari, ilang sandali matapos sabihan na tapos na ang kanyang karera sa Hollywood.
Sa panayam ng Reuters sa premiere sa London noong Lunes ng TV miniseries na “VisionQuest” ng Disney+, sinabi ni Bettany na nagbigay sa kanya ng maraming oportunidad ang pagiging bahagi ng Marvel Cinematic Universe, kapwa sa trabaho at sa personal na buhay.
“Nangangahulugan ito na maaari akong tumanggi sa ilang trabaho at maglaan ng oras para sa aking pamilya. Nabigyan din ako nito ng pagkakataong magdirek at magsulat ng pelikula. Dahil dito, napopondohan ang mga pelikulang hindi sana mabibigyan ng pondo kung wala ito (It means I have been able to not take jobs and spend time with my family. It means that I've been able to direct and write a movie. It means that I can get movies that I wouldn't without it funded),” aniya.
Unang naging bahagi ng Marvel si Bettany bilang boses ng artificial intelligence assistant na si J.A.R.V.I.S. bago siya unang lumabas sa screen bilang android na si Vision sa pelikulang “Avengers: Age of Ultron noong 2015.”
Ayon sa aktor, dumating ang alok na gumanap bilang Vision sa panahong hindi maganda ang takbo ng kanyang karera. Bago ito, sinabi sa kanya ng isang producer na maaaring wala nang magandang oportunidad para sa kanya sa Hollywood matapos mabigo sa takilya ang dalawa niyang pelikula.
“May audition ako noon kasama ang isang prodyuser na hindi ko na papangalanan. Sinabi niya sa akin na tapos na ang karera ko. Tumayo ako, lumabas at bumaba ng hagdan, pero nanghina ang mga binti ko. Naupo ako sa Sunset Boulevard at naisip ko, alam mo, baka tama siya. Baka tapos na nga ang karera ko (I was doing an audition with a producer who will remain nameless, who told me my career was over," he said. "I got up, I walked out, I went downstairs and my legs gave way. I sat on Sunset Boulevard and I went, you know what, maybe he's right, maybe my career is over),” kuwento ni Bettany.
“Pagkatapos, tumunog ang telepono ko. Sinagot ko ito at si Joss Whedon ang nasa kabilang linya. Tinanong niya ako, ‘Gusto mo bang gumanap bilang Vision?’ At totoong nangyari iyon (Then my phone rang, I answered it and it was Joss Whedon who said, 'Would you like to play the Vision?' And that is a true story),” dagdag niya.
Tinatapos ng “VisionQuest” ang trilogy na nagsimula sa WandaVision noong 2021 at sinundan ng Agatha All Along noong 2024. Sinusundan ng bagong serye si Vision sa paghahanap niya ng bagong layunin sa buhay habang tumatakas kasama ang isang misteryosong batang lalaki na maaaring anak niya.
Sinabi ng lumikha at namamahala ng serye na si Terry Matalas na tinatalakay nito ang mga kasalukuyang usapin tungkol sa artificial intelligence (AI).
“Mayroon kaming isang bahay na dapat ay nasa isip ng isang AI. Pero may ilang detalye rito na bahagyang naiiba, gaya ng nangyayari sa AI kapag pinagsasama-sama nito ang maraming bagay at ginagawa itong iisa (We have this house that's supposed to be in the mind of an AI and it gets things slightly off in the way that AI does when it's taking an amalgamation of many things and turning it into one),” aniya.
Para naman sa aktor na si James D'Arcy, ipinagpapatuloy ng “VisionQuest” ang isang natatanging katangian ng pagkukuwento ng Marvel: ang pagsasama ng maaksyong mga eksena at mga temang tumatalakay sa damdamin at pilosopiya.
“Tungkol ito sa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging tao (It's about the nature of being human),” aniya.

