top of page

Patrick Stewart, batikang Shakespearean actor at bituin ng 'Star Trek' at 'X-Men,' pumanaw sa edad na 86

Reuters / Will Dunham; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

October 30, 2026 at 7:33:06 AM

Larawan ni Patrick Stewart

FILE PHOTO: Nagpaunlak ng larawan ang aktor na si Patrick Stewart kasama ang kanyang insignia bilang knight matapos siyang gawaran ng naturang titulo ni Queen Elizabeth ng Britain sa Buckingham Palace sa London noong Hunyo 2, 2010.

REUTERS/Dominic Lipinski/Pool/File Photo

Pumanaw na sa edad na 86 si Patrick Stewart, na nagmula sa kahirapan sa England bago naging mahusay na Shakespearean stage actor at sumikat sa buong mundo bilang matalino at mahusay na Kapitan Jean-Luc Picard sa seryeng pantelebisyon na "Star Trek: The Next Generation" at telepatikong si Professor Charles Xavier sa mga pelikulang "X-Men."


Ginawaran si Stewart ng titulong knight ni Queen Elizabeth II noong 2010 bilang pagkilala sa kanyang mga kontribusyon sa larangan ng drama. Pumanaw siya sa kanyang tahanan sa Los Angeles, ayon sa pahayag na inilabas sa kanyang X account.


"Buong lungkot naming ipinababatid ang pagpanaw ni Sir Patrick Stewart kahapon sa kanyang tahanan sa Los Angeles, habang inaalagaan ng kanyang pinakamamahal na asawang si Sunny. Pumanaw siya matapos ang maikli ngunit masalimuot na pakikipaglaban sa Alzheimer's disease at Lewy body dementia (We announce with great sorrow the passing of Sir Patrick Stewart yesterday at his home in Los Angeles, in the loving care of his beloved wife Sunny, following a brief and poignant journey with Alzheimer's Disease and Lewy Body Dementia)." ayon sa pahayag.


Nagsimulang umarte si Stewart sa edad na 18 at nakilala sa entablado bilang miyembro ng Royal Shakespeare Company simula noong dekada 1960. Gayunman, hindi siya nakilala ng mas malawak na publiko hanggang sa makuha niya ang papel sa edad na 47 sa "Star Trek: The Next Generation"—isang seryeng pantelebisyon na umere mula 1987 hanggang 1994 bilang kasunod ng orihinal na "Star Trek" noong dekada 1960. Nagpatuloy siya sa pag-arte hanggang sa edad na 80 pataas.


"Mangyari nawa (Make it so),"ang madalas na sabihin ng kanyang karakter na si Picard kapag inuutusan ang isang tauhan na isagawa ang isang utos. Ginagamit din niya kung minsan ang katulad na katagang "Engage."


Nag-alinlangan pa si Stewart kung tatanggapin ang papel matapos siyang payuhan ng matagal na niyang kaibigan at kapwa Shakespearean actor na si Ian McKellen na tanggihan ang "Star Trek" at manatili sa teatro. Gayunman, tinanggap niya ang papel at naging paborito ng mga tagahanga at mahalagang bahagi ng isang kumikitang science fiction franchise. Ginampanan niya si Picard sa 176 na episode sa loob ng pitong season ng serye, gayundin sa ilang pelikulang "Star Trek" at sa sumunod na streaming series na "Star Trek: Picard," na nagsimulang umere noong 2020, nang siya ay 79 taong gulang.


"Habang umuusad ang pitong season ng TNG (The Next Generation), unti-unting naglaho ang pagkakaiba nina Jean-Luc Picard at Patrick Stewart hanggang sa hindi ko na matukoy kung saan nagtatapos ang isa at nagsisimula ang isa. Napakarami sa aking mga paniniwala at damdamin ang naibahagi ko sa seryeng iyon (As the seven seasons of TNG ("The Next Generation") went by, the distinction between Jean-Luc Picard and Patrick Stewart became thinner and thinner, until it was impossible for me to know where he left off and I began. So much of what I believed and felt went into that show),"  sinabi ni Stewart sa pahayagang Guardian noong 2022.


Noong una, nag-alinlangan din si Stewart na tanggapin ang papel bilang si Professor X, isang mutant na gumagamit ng wheelchair, sa mga pelikulang "X-Men" na hango sa sikat na karakter sa Marvel comic books.


"Sinabi ko, 'Alam kong hindi ito science fiction, pero pantasya ito at nagawa ko na ang ganitong uri ng proyekto.' Ngunit nakumbinsi nila akong hindi ito magiging katulad ng 'Star Trek,' kaya tinanggap ko ang papel. At muli na naman akong napatunayang mali sinabi ni Stewart sa Guardian (I said, 'Look, I know this isn't science fiction, but it's fantasy, and I've done that.' But they persuaded me that it wouldn't be like 'Star Trek,' so I did it. And yet again I was proved wrong)." 


Naging mahalagang bahagi rin siya ng isa pang malaking prangkisa ng pelikula, simula sa unang "X-Men" noong 2000 at sinundan ng ilan pang pelikula, kabilang ang Marvel movie na "Doctor Strange in the Multiverse of Madness" noong 2022. Nakapareha niya sa ilang pelikulang "X-Men" si McKellen, na gumanap bilang kontrabidang si Magneto.


Bilang si Charles Xavier, lumahok si Stewart sa paggawa ng pinakahihintay na pelikulang "Avengers: Doomsday" at mapapanood siya sa Marvel film na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Disyembre. Nagbigay-pugay kay Stewart ang Marvel Studios nitong Huwebes at inilarawan siya bilang "natatanging talento, mapagbigay na katuwang at tunay na maginoo ( a singular talent, a generous collaborator and a true gentleman).”


PAG-AARTE, NAGING LIGTAS NA KANLUNGAN


Isinilang si Stewart noong Hulyo 13, 1940 sa bayan ng Mirfield sa Yorkshire, England. Lumaki siya sa kahirapan. Ayon sa kanya, bumalik mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kanyang ama na isang alkoholiko, dumaranas ng post-traumatic stress syndrome at pisikal na umaabuso sa kanyang ina. Naalala ni Stewart na inilalagay niya ang kanyang sarili sa pagitan ng kanyang mga magulang upang subukang protektahan ang kanyang ina.


Ayon kay Stewart, naging "ligtas na kanlungan" niya ang pag-arte noong bata pa siya matapos siyang ipakilala ng isang guro sa mga akda ni Shakespeare—partikular ang "The Merchant of Venice"—sa isang klase noong siya ay 12 taong gulang. Nagsimula siyang makalbo sa edad na 17 at tuluyan nang nakalbo pagsapit ng 19. Noong una, ikinahiya niya ito ngunit kalaunan ay natanggap at niyakap niya ang kanyang kalagayan.


Ang "Star Trek," na nilikha ni Gene Roddenberry, ay naglahad ng positibong pananaw sa hinaharap, kung saan naglalakbay ang sangkatauhan sa kalawakan gamit ang mga sasakyang pangkalawakan na mas mabilis pa sa bilis ng liwanag at nakatatagpo ng iba't ibang lahing extraterrestrial. Dahil sa patuloy na kasikatan ng orihinal na serye at tagumpay ng mga pelikulang hango rito, nilikha ni Roddenberry ang kasunod na seryeng "The Next Generation."


Kabaligtaran ni Picard ang palaban at kung minsan ay hindi sinasadyang katawa-tawang si Kapitan James T. Kirk, na ginampanan ni William Shatner sa orihinal na serye. Dinisenyo si Picard bilang isang mas mapanuri at disiplinadong lider, bagama't kung minsan ay nagmumukha siyang masyadong pormal, walang katatawanan o mapagmataas.


Naalala ni Stewart na noong mga unang taon ng serye, medyo naging seryoso siya sa pakikitungo sa kanyang mga kasamahan sa cast.


"Naikukuwento ko ang pagkakataong nagpatawag ako ng pulong kasama ang mga pangunahing miyembro ng cast at sinabi kong sa palagay ko ay kulang kami sa disiplina. Hindi raw kami dapat masyadong nagbibiruan sa set at sa halip ay dapat seryosohin ang lahat ( I tell the story of calling a meeting of my principal fellow cast members and telling them that I thought we were not disciplined enough, that we should not be fooling about on the set as much as we were but taking everything seriously)," pahayag ni Stewart sa New Yorker noong 2023.


"Sinabi ng isa sa mga miyembro ng cast, 'Huwag naman, Patrick, kailangan din nating magsaya.' Hinampas ko ang upuan at sinabing, 'Hindi tayo nandito para magsaya'—isang bagay na hindi nila kailanman nakalimutan. Marami silang itinuro sa akin tungkol sa pagiging mas maluwag at malaya (And one of the cast members said, 'Oh, come on, Patrick, we've got to have some fun.' And I thumped the chair and said, 'We are not here to have fun' — which they have never let me forget. They taught me so much about loosening up and being freer ),” dagdag ni Stewart.


Naramdaman din ni Stewart na mas gumanda ang serye habang tumatagal. Inamin niyang hindi siya nasiyahan sa sarili niyang pagganap bilang Picard sa unang dalawang season.


"Para sa akin, kulang ito sa pagiging malapit sa ibang tao. Napakabagsik at mapag-utos ng kanyang karakter, ngunit kakaunti ang iba pa niyang katangian (I found it lacking intimacy. It was very authoritative, but there were few other qualities in him),”ani Stewart, at idinagdag na mas gumanda ang kanyang pagganap sa mga sumunod na season.


Sa katunayan, maaaring kabilang sa pinakamahuhusay na pagganap ng buong cast ang dalawang bahaging pangwakas ng serye na umikot sa paglalakbay sa panahon.


Naging Sir Patrick Stewart siya nang gawaran siya ng titulong knight ng reyna sa Buckingham Palace noong 2010. Sinabi niya sa mga mamamahayag na kabilang sa kanyang mga hinahangaang personalidad ang mga British actor na sina Laurence Olivier, John Gielgud at Alec Guinness, na pawang ginawaran din ng titulong knight. Dagdag niya, ang mapabilang sa hanay ng mga ito ang pinakamataas na pagkilalang natanggap niya sa kanyang propesyon.("in that company is the grandest thing that has professionally happened to me)."


Tatlong beses nagpakasal si Stewart at nagkaroon ng dalawang anak. Ang kanyang ikatlong pagpapakasal ay naganap noong 2013 sa Amerikanong musikero na si Sunny Ozell.


Pag-uulat ni Will Dunham sa Washington; karagdagang pag-uulat nina Ryan Patrick Jones at Christian Martinez; pag-eedit nina Diane Craft at Rosalba O'Brien/Reuters.


bottom of page