top of page

Pamana ni Francis M sa musika, pinarangalan sa Filipino Music Awards

Kimberly Asis / Sari Story News

October 8, 2026 at 12:12:32 PM

Larawan ni Maxene Magalona, Inang si Pia at kapatid na si Elmo Magalona.

Kuhang larawan mula sa Instagram account ni Maxene Magalona.

INSTAGRAM / Maxene Magalona

Muling nabigyang-pugay ang hindi matatawarang ambag ni Francis Magalona sa musikang Pilipino sa 2026 Filipino Music Awards, kung saan ginawaran ang dating rapper ng Tribute Award nitong Martes, Oct. 6, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.


Ipinagkaloob ang parangal dalawang araw lamang matapos ang kaarawan ni Magalona noong October 4. Tinanggap ng kanyang asawang si Pia Magalona ang tropeo kasama ang kanilang anak na aktres na si Maxene Magalona. Kinilala sa pamamagitan ng award si Francis M, na kilala rin bilang “Master Rapper,” dahil sa kanyang malaking ambag sa musikang Pilipino at kultura.


Nagpasalamat si Pia sa mga indibidwal, record label, at grupong nakatrabaho at nakasama ni Francis M sa buong career niya. Inialay rin niya ang parangal sa kanilang mga anak, na naging inspirasyon sa marami sa mga kantang ginawa ng rapper.


Nagbahagi rin si Maxene ng isang taos-pusong mensahe habang tinatanggap ang award, kung saan binalikan niya ang kanyang ama at nagpaabot ng mensahe para sa mga tagahanga nito.


“Mabuhay ang OPM, at para ‘to sa lahat ng mga fans ni Francis M. Para sa inyo ‘to. At para sa ating lahat na miss na miss na si Francis M, kung nandito siya ngayon ang sasabihin niya, ‘Mga kababayan, araw-araw piliin ang kapayapaan.’”


Naramdaman din ang impluwensya ni Francis M sa mga pagtatanghal noong gabi. Nakisama ang kanyang anak na si Elmo Magalona sa Parokya ni Edgar at Flow G para sa performance ng “Bagsakan.” Bilang closing performance ng seremonya, umani ito ng malalakas na hiyawan at palakpakan mula sa audience bilang pagpupugay sa yumaong rapper.


Unang inilabas ng Parokya ni Edgar ang “Bagsakan,” na nagtatampok ng mga memorable na rap verse nina Francis M at OPM rap icon na si Gloc-9. Muling nabuhay sa entablado ang musika ni Francis M sa performance, na nagpapakita ng patuloy niyang impluwensya sa mga artist at fans mula sa iba’t ibang henerasyon.


Sa kanyang karera, nakilala si Francis M sa mga hit niyang kanta tulad ng “Mga Kababayan Ko,” “Mga Praning,” at “Kaleidoscope World.” Nakatulong din siya sa pag-uugnay ng rap at rock music sa pamamagitan ng kanyang mga collaboration sa iba’t ibang banda, kabilang ang Eraserheads.


Ilan pang malalaking pangalan sa musikang Pilipino ang pinarangalan sa FMAs ngayong taon. Tinanghal na Artist of the Year ang BINI, habang nakuha naman ng kanilang “Signals” world tour ng Tour of the Year award.


Tumanggap naman si Regine Velasquez-Alcasid ng Lifetime Achievement Award, habang tatlong major awards ang naiuwi ng SB19. Kinilala bilang Concert of the Year ang kanilang “Wakas At Simula: The Trilogy Concert Finale,” habang nagwagi rin ang grupo bilang People’s Choice Artist. Ang kanilang single na “VISA” naman ang nag-uwi ng People’s Choice Song.


Dalawang parangal naman ang nakuha ng “Since Day One” nina Flow G at Skusta Clee, matapos nitong manalo bilang Song of the Year at Hip-Hop Song of the Year.

bottom of page