Pacquiao sa pagtanggap ng doctorate: Your beginning does not define your destination
Kimberly Asis / Sari Story News
September 18, 2026 at 11:22:39 AM
Ginawaran ng Philippine Normal University (PNU) ng honorary doctorate si dating senador at eight-division world boxing champion Manny Pacquiao noong Setyembre 16, bilang pagkilala sa kanyang mga natatanging tagumpay sa sports at kontribusyon sa bansa.
Sa edad na 47, ginawaran si Pacquiao ng degree na Doctor in Physical Education and Sports, Honoris Causa, sa isang seremonyang isinagawa kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 founding anniversary ng PNU.
“In recognition of his outstanding achievements in sports and his notable contributions to the development of national pride, the Philippine Normal University has formally conferred the first-ever Doctor of Physical Education and Sports, Honoris Causa, to Hon. Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao,” pahayag ng unibersidad.
Naging bahagi rin ng seremonya ang isang espesyal na musical tribute para kay Pacquiao. Itinanghal ng PNU Choral ang kanyang awiting “Para Sa ’Yo Ang Laban Na ’To” at iniabot sa kanya ang orihinal na sheet music arrangement ng kanta bilang tanda ng pagpapahalaga mula sa komunidad ng unibersidad.
Nanumpa rin si Pacquiao bilang honorary alumnus ng PNU, sa pangunguna ni Dr. Ponciano Menguito, vice president ng PNU Alumni Association, Inc. Matapos ang seremonya, nakipag-usap siya sa mga miyembro ng komunidad ng unibersidad at iba pang stakeholders.
Ibinahagi naman ni Pacquiao sa social media ang kanyang pasasalamat sa karangalang natanggap.
“What a blessing and a very humbling moment. Thank you to the Philippine Normal University for conferring upon me the degree of Doctor in Physical Education and Sports, Honoris Causa.”
Hinikayat din ni Pacquiao ang mga kabataan na ipagpatuloy ang pag-abot sa kanilang mga pangarap, anuman ang kanilang pinagmulan.
“To all the young people who have big dreams, keep going. Your beginning does not have to define your destination. And when success comes, make it more meaningful by using it to lift others.”
Pinasalamatan niya rin ang unibersidad sa mainit na pagtanggap at natatanging karangalang ipinagkaloob sa kanya.
Kasama rin ni Pacquiao sa seremonya ang kanyang misis si Jinkee, na nagpahayag ng kanyang pagmamalaki sa natanggap na karangalan ni Pacquiao.
Sa isang Instagram post, nagbahagi rin si Jinkee ng mga larawan mula sa awarding ceremony at isinulat, “Doctor in Physical Education & Sports. I'm so incredibly proud of you, Sec. @mannypacquiao.”
Ang pagkakagawad ng honorary doctorate kay Pacquiao ay kasabay ng kanyang pagharap sa panibagong tungkulin sa serbisyo publiko. Kamakailan lamang siyang itinalaga bilang Secretary at Lead Convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).

