Ogie Alcasid, ipinagmalaki ang husay ng mga OPM artist sa ‘It’s Showtime’ anniversary
Kimberly Asis / Sari Story News
October 22, 2026 at 11:10:47 AM
Humanga si Ogie Alcasid sa husay ng mga lokal na singer nagtanghal sa pagbubukas ng ika-17 anibersaryo ng "It’s Showtime" nitong Lunes, Oktubre 19.
Bilang isa sa mga host ng noontime variety show at beteranong singer-songwriter, ipinahayag ni Ogie ang kanyang paghanga sa mga artistang nagbigay-pugay sa musikang Pilipino sa nasabing pagdiriwang.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Ogie ang labis na kaligayahan at pagmamalaki na kanyang naramdaman sa pagsisimula ng isang linggong selebrasyon ng programa na may temang “Dis Is Ur Show, Disisyete!”
“My OPM heart is so happy. Hearing the music of these amazing artists earlier at the opening of our week long 17th year anniversary celebration of @itsshowtimena made my heart swell and i was smiling from ear to ear. Salamat sa musika ninyo! Mabuhay ang OPM,” ani Ogie sa kanyang post.
Kabilang sa mga nagtanghal sina Earl Agustin, Mariah Deborah, Wilbert Ross, Amiel Sol, Rob Deniel, Fitterkarma, Carl Guevarra ng The Juans, at Angela Ken, na pawang binanggit ni Ogie sa kanyang post.
Isa sa mga tampok na artist si Rob Deniel, na nakakuha rin ng atensyon noon dahil sa kanyang mga cover ng mga awitin ni Ogie na “Nandito Ako” at “Ikaw Sana.” Sa pamamagitan ng mga ito, naipakilala ni Rob sa mas batang henerasyon ang musika ng beteranong singer-songwriter.
Tampok din sa pagbubukas ng selebrasyon ang isang futuristic-themed production number na pinangunahan ni Vice Ganda, na sinundan ng mga solo performance mula sa iba pang host ng programa. Kabilang sa mga nagtanghal sina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Ogie Alcasid, Amy Perez, Darren Espanto, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Jackie Gonzaga, Ion Perez, at Cianne Dominguez, kasama ang girl group na Baby Dolls.
Binalikan din sa selebrasyon ang segment na “Cash-Ya,” kung saan nagharap ang Team Vice at Team Vhong. Tampok din ang celebrity edition ng “Ms. Q&A” na pinamagatang “Celebrity Talakera.”
Kinoronahan naman si Ralph de Leon bilang Reyna Talakera 2026 Grand Winner sa pageant-style competition. Naiuwi niya ang korona, sash, at ₱50,000 na premyo.
Nagpatuloy ang kompetisyon nitong Miyerkules sa paglahok ng panibagong grupo ng mga celebrity contestant. Sa women's edition, itinanghal na panalo si Ethel Booba, habang first runner-up si Pokwang at second runner-up naman si Candy Pangilinan.
Inaasahan pang masusundan ng iba pang pagtatanghal at espesyal na segment ang buong linggong pagdiriwang ng "It’s Showtime" para sa ika-17 anibersaryo nito.

