Ogie Alcasid at Regine Velasquez, magsasama sa ‘Kailangan Kita’ musical
Kimberly Asis / Sari Story News
November 3, 2026 at 9:48:20 AM
Magsasama sa iisang entablado sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez para sa “Kailangan Kita: An Ogie Alcasid Musical,” na mapapanood mula Mayo hanggang Hulyo 2027 sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City.
Unang inanunsyo ni Alcasid ang tungkol sa musical matapos ang pagtatanghal ng “Bongga Ka, 'Day!: The Annie Batungbakal Musical,” kung saan inimbitahan siyang umakyat sa entablado upang ibahagi ang ilang detalye tungkol sa proyekto.
“Next year na po, nais ko po kayong imbitahan sa aking munting palabas na aking sinulat tatlumpu’t walong taon na po. Lahat ng mga awiting isinulat ko at inawit ko ay gagawin po namin dito sa bulwagang ito,” pahayag ni Alcasid.
Kinumpirma rin ng singer-songwriter na siya mismo ang gaganap sa pangunahing papel, habang bibigyang-buhay naman ng kanyang asawang si Regine ang mahalagang papel bilang kanyang kapareha sa musical.
“Excited po akong ipaalam sa inyo na ako po yung gaganap. Totoo po. At ang gaganap po na aking kabiyak ay walang iba kundi ang asawa ko, si Regine Velasquez-Alcasid. So excited na po kami. Ito po ay pitong taon naming pinaggugulan at pinag-isipan kung paano namin ipapalabas ito. Kaya excited na po kami. Sana po ay excited din po kayo,” dagdag pa niya.
Hango ang pamagat ng musical sa orihinal na awiting “Kailangan Kita” ni Alcasid, na siya rin ang sumulat at bumuo ng musika.
Sa kanyang anunsyo, kinilala rin niya ang beteranong aktor na si Aga Muhlach, na gumanap bilang pangunahing karakter sa orihinal na pelikulang pinagbatayan ng kuwento. Kabilang din si Muhlach sa mga dumalo sa naturang okasyon.
“At nakakatuwa dahil ang title po ng aming musical ay ‘Kailangan Kita’ at naririto ang unang gumanap sa pelikula. Walang iba kundi si Ginoong Aga Muhlach. Palakpakan po natin,” ani Alcasid.
Bago matapos ang kanyang anunsyo, hinikayat ni Alcasid ang publiko na panoorin ang kanilang produksyon sa susunod na taon.
“I hope you come next year, May 2027 until about July. I hope to see you. Thank you very much. Mabuhay ang Musikang Pilipino. Mabuhay ang Teatrong Pilipino,” pagtatapos niya.
Nagbigay rin ng paunang silip ang nalalapit na musical pagkatapos ng closing number ng “Bongga Ka, 'Day!” sa pamamagitan ng isang medley ng mga sumikat na awitin ni Alcasid, kabilang ang “Hanggang Ngayon,” “Kailangan Kita,” at “Dito sa Puso Ko.”
Pinangunahan nina Ethan David, Sheena Belarmino, at Poppert Bernadas ang pagtatanghal ng mga naturang kanta.
Bagama't kumpirmado na ang pagtatanghal mula Mayo hanggang Hulyo 2027, hindi pa inaanunsyo ang eksaktong mga petsa ng palabas at ang iba pang mga artistang kabilang sa cast.

