top of page

Odette Khan, naluha habang inaalala ang pagtulong sa kaniya ni Marian Rivera

Kimberly Asis / Sari Story News

November 5, 2026 at 10:50:58 AM

Larawan ni Odette Khan at kanyang anak na si Claudette Tandoc.

Larawan kuha mula sa Youtube account ng Kay Susan Tayo! Vlogs.

YOUTUBE / Kay Susan Tayo! Vlogs

Nagpasalamat ang beteranang aktres na si Odette Khan at ang kaniyang anak na si Claudette kina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa pagtulong sa kanila noong maospital ang aktres sa unang bahagi ng taong ito.


Sa kanilang guest appearance sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” ibinahagi ni Claudette ang pinagdaanan nilang pagsubok matapos isugod sa emergency room ang kaniyang 80-anyos na ina noong Pebrero dahil sa ilang komplikasyon sa kalusugan.


Dahil nangangailangan ng agarang atensiyong medikal si Odette, humingi ng tulong pinansyal ang kaniyang anak sa ilang kakilala. Ayon kay Claudette, isa si Marian sa mga unang nagpaabot ng tulong sa kanila.


“Na-ER si Mommy O and then, na-hospital na. I asked for help. One of the first few people na nagpadala ng financial gift or help was Marian Rivera,” kuwento ni Claudette.


Sinamantala rin ni Claudette ang pagkakataon upang personal na pasalamatan sa publiko ang aktres at host, gayundin ang lahat ng tumulong sa gastusin sa pagpapagamot ng kaniyang ina.


“From the bottom of my heart, Ms. Marian, taos-pusong nagpapasalamat kami ni Mommy O sa tulong.


And I would like to thank everyone. Hindi ko man maisa-isa. This is my chance already na magpasalamat sa lahat. You know who you are. Malaki man o maliit ang naibigay,” aniya.


Ibinahagi rin niya kung gaano kalaki ang naitulong ng mga donasyon mula sa iba't ibang indibidwal sa panahong iyon. Dahil sa mga ito, nakakuha rin sila ng guarantee letter at nakabili ng hospital bed at digital oxygen equipment na kailangan ni Odette.


“Miss Marian if you are listening uulitin ko, from the bottom of my heart, thank you very much. Hindi mo lang alam kung gaano kalaking tulong iyon at that time sa amin,” dagdag niya.


Nagpasalamat din si Claudette kay Dingdong sa pagtulong nitong makakuha ng karagdagang assistance para kay Odette sa pamamagitan ng Film Academy of the Philippines (FAP).


Si Dingdong, na nagsisilbing chairman at founding president ng Aktor PH, ang tumulong upang maisaayos ang paghingi ng tulong sa pamamagitan ng organisasyon.


“And now pinoproseso ng FAP ang tulong nila for Mommy O. So gusto kong magpasalamat kay Dingdong Dantes. Napakabait na couple,” pahayag ni Claudette.


Ikinuwento rin niya ang isang nakaaantig na sandali sa ospital nang sabihin niya sa kaniyang ina na nagpadala ng tulong pinansyal si Marian.


Noong mga panahong iyon, madalas na nakakatulog si Odette dahil sa epekto ng kaniyang mga gamot. Mahinang sinabi ni Claudette sa ina ang tungkol sa tulong, ngunit nang marinig nito ang pangalan ni Marian, iminulat ng beteranang aktres ang kaniyang mga mata habang tumutulo ang mga luha.


“Please tell Marian, thank you galing sa akin,” mensahe ni Odette sa kaniyang anak.


Naging emosyonal din si Odette sa naturang panayam nang direktang magbigay ng mensahe kay Marian.


“Marian, for whatever it is. Thank you so much. You were there. The help was there. I felt so good. Thank God. You did something beautiful in my heart. Thank you,” aniya.


Naospital si Odette sa National Kidney and Transplant Institute noong Pebrero matapos makaranas ng ilang komplikasyon sa kalusugan, kabilang ang pneumonia, emphysema, at edema.


Ilang beses nang nakatrabaho ni Odette si Marian sa iba't ibang proyekto sa telebisyon, kabilang ang “Muli” at “Darna.” Naging bahagi rin siya ng ilang episodes ng “Tadhana,” ang drama anthology na pinangungunahan ni Marian.


Lumabas din si Odette sa pelikulang “Bar Boys” (2017) at sequel nitong “Bar Boys: After School,” kung saan ginampanan niya ang karakter ni Justice Hernandez. Nagkamit siya ng pagkilala mula sa iba't ibang award-giving bodies dahil sa kaniyang pagganap bilang istriktong propesor sa abogasya sa “Bar Boys” franchise.


Kabilang sa mga natanggap niyang parangal ang Best Supporting Actress mula sa PMPC Star Awards, FAMAS, at Gawad Urian. Nagwagi rin siya kalaunan ng Best Actress award mula sa Gawad Urian.

bottom of page