Nagrereklamo laban kay Russell Brand, iginiit sa korte: ‘Alam kong ginahasa niya ako’
Reuters / Sam Tobin; Isinalin ng Sari Story Network
October 16, 2026 at 4:46:01 AM
Iginiit ng isang babae na nagsasabing ginahasa siya ng British actor at komedyanteng si Russell Brand mahigit 25 taon na ang nakalilipas na nakakatakot ang aktor, habang mariin niyang tinutulan noong Huwebes ang mga pahayag ng abogado nito na nagkaroon sila ng pagtatalik nang may pahintulot.
Nahaharap si Brand, na dating isa sa mga pinakakilalang broadcaster sa Britain at dating asawa ng Amerikanong mang-aawit na si Katy Perry, sa paglilitis kaugnay ng tatlong bilang ng panggagahasa, tatlong bilang ng sexual assault at isang bilang ng indecent assault laban sa anim na babae mula 1999 hanggang 2009.
Itinatanggi ng 51-anyos na si Brand ang mga paratang at sinabi niya sa pulisya matapos siyang arestuhin na hindi siya kailanman nakipagtalik sa sinuman nang walang pahintulot nito.
Noong Miyerkules, inilarawan ng mga tagausig si Brand bilang isang walang-awang seksuwal na mandaragit habang umuunlad ang kaniyang karera mula sa stand-up comedy tungo sa pagiging TV presenter at kalaunan ay Hollywood movie star.
SINABI NG BABAE NA AKALA NIYA AY WALANG MANINIWALA SA KANIYA
Sa ikalawang araw ng paglilitis kay Brand sa Southwark Crown Court sa London, sinabi ng isang babae na ginahasa siya ng aktor sa kaniyang kuwarto matapos silang magkita sa isang fringe event sa 1999 Labour Party conference.
“Nandoon lang kami para abusuhin niya, at hindi mahalaga sa kaniya ang pahintulot (We were just there for him to abuse and consent was irrelevant),” sinabi ng babae sa mga hurado.
Ayon sa babae, inakala niyang bakla si Brand kaya inimbitahan niya itong pumunta sa kaniyang kuwarto upang ipagpatuloy ang kanilang pag-uusap. Sinabi niyang pakiramdam niya ay “ligtas siya sa kaniya pagdating sa usaping seksuwal.”
Gayunman, sinabi niyang kalaunan ay nakakatakot at nagbabanta ang ikinilos ni Brand.
Iminungkahi ng abogado ni Brand na si Ian Winter na nagpaakit ang babae sa personalidad ng aktor, ngunit itinanggi ito ng babae.
Tinanong ni Winter ang babae, “Hindi ka naman pumalag, hindi ba? (You didn't struggle, did you?)”
Sumagot ang babae, “Hindi ako pumalag, oo, hindi ako pumalag. Hindi ako makapalag, hindi ako makahinga (I didn't struggle, no, I didn't. I couldn't struggle, I couldn't breathe).”
Nang sabihin ni Winter na hindi naman niya binigkas ang salitang “hindi (no),” mariing sumagot ang babae: “Sinabi kong ‘hindi’... Sinusubukan mong ilagay sa isip ko ang mga bagay na ito. Alam kong ginahasa niya ako. Sinabi kong ayaw ko nito (I did say 'no' ... You are trying to put things in my head here. I know he raped me, I said I don't want this).”
Tinanong din ni Winter kung bakit hindi niya iniulat sa pulisya ang umano'y panggagahasa noong panahong iyon.
Sumagot ang babae, “Nahihiya ako. Akala ko walang maniniwala sa akin. Taong 1999 iyon (I was ashamed. I didn't think anybody would believe me, this is 1999).”
‘HINDI AKO NAGBIGAY NG PAHINTULOT’
Sa isang panayam sa pulisya na ipinarinig sa mga hurado noong Huwebes, sinabi rin ng babae na “parang ahas ang katawan niya... at sa totoo lang, nasusuklam ako rito (found his body quite snake-like ... it made me feel sick if I'm being honest).”
Sinabi ng babae na ang isang dokumentaryo noong 2023 na naglahad ng mga paratang ng seksuwal na pang-aabuso laban kay Brand ang nagtulak sa kaniya na lumapit sa pulisya.
Sinabi niya sa mga hurado na nakonsensiya siya nang marinig ang iba pang mga paratang laban kay Brand. Naging emosyonal siya habang sinasabi, “Kung nagsalita ako noon, napigilan kaya ito? (Had I come forward, would it have stopped?)”
Sa pagtatapos ng kaniyang testimonya, sinabi niya, “Buong-buo ang katiyakan kong masasabi, sa harap ng lahat ng bagay na mahalaga sa akin, na hindi ako nagbigay ng pahintulot (I can 100% tell you, on everything I hold dear, that I didn't consent).”
INAASAHANG TATAGAL NANG ANIM NA LINGGO ANG PAGLILITIS
Ayon sa mga paratang, sinubukan ni Brand na kaladkarin ang isang babae papasok sa cubicle ng palikuran sa MTV Europe, kung saan nagtatrabaho ang babae, noong 2001. Inakusahan din siyang sapilitang gumawa ng oral sex sa isa pang babae sa cubicle ng palikuran sa isang bar noong 2004.
Nahaharap din siya sa kasong indecent assault laban sa isang babae noong 2004 o 2005, panggagahasa sa puwit ng ikalimang nagrereklamo matapos silang magtalik nang may pahintulot sa kaniyang tahanan noong 2009, at sexual assault sa isa pang babaeng nagtatrabaho sa Channel 4 noong taon ding iyon.
Ayon kay Judge Joel Bennathan noong Huwebes, lumantad ang lahat ng anim na nagrereklamo matapos ipalabas ang dokumentaryo noong 2023. May legal na karapatan ang mga ito na manatiling hindi nakikilala habambuhay.
Sinabi ng hukom na hindi kabilang sa paglilitis ang mga babaeng naglahad ng mga paratang sa dokumentaryo at hindi pa nasusuri sa korte ang kanilang mga akusasyon.
Dagdag niya, “Maaaring igiit ng depensa na dahil sa programa, binalikan ng mga nagrereklamo, o ng ilan sa kanila, ang mga pangyayaring seksuwal noong nakaraan at nabago sa kanilang alaala ang mga ito mula sa mga pagtatalik na may pahintulot tungo sa mga krimeng inaakusahan nila ngayon (The defence may suggest the programme caused the complainants, or at least some of them, to revisit historic sexual events and in their memories twist them from the consensual acts they were to the crimes they now allege).”
Inaasahang tatagal nang humigit-kumulang anim na linggo ang paglilitis.

