Nadine Lustre, Vice Ganda nagwagi sa Asian Academy Creative Awards
Kimberly Asis / Sari Story News
October 1, 2026 at 12:16:00 PM
Pinarangalan sina Nadine Lustre at Vice Ganda sa Asian Academy Creative Awards 2026, kung saan nagwagi si Nadine bilang Best Actress in a Leading Role para sa kanyang pagganap sa “Love, Siargao” ng Viu, habang itinanghal namang Best Actor in a Leading Role si Vice para sa “Call Me Mother.”
Inanunsyo ang mga nagwagi sa pamamagitan ng livestream noong September 30, kung saan iginawad ang mga parangal sa 39 na kategorya. Mahigit 300 National Winners mula sa 18 bansa at teritoryo ang aabante sa Grand Awards Gala and Red Carpet sa December 3 sa makasaysayang Capitol Theatre sa Singapore, kung saan iaanunsyo ang regional Grand Final Winners.
Ayon sa ulat, mga personalidad mula sa industriya ng entertainment na kumakatawan sa 38 bansa ang naging hurado para sa National at International rounds. Kabilang dito ang mga kinatawan mula sa broadcasters, streamers, production companies, distributors, buyers, at screen organizations.
Ipinagdiwang ng Viva ang panibagong pagkilala kay Nadine sa isang social media post, habang binati rin ng ABS-CBN si Vice sa kanyang pagkapanalo.
“A well-deserved win for Nadine Lustre! Congratulations to Nadine for winning National Winner - Best Actress in a Leading Role at the Asian Academy Creative Awards 2026. Your VAA family is proud of you, Nadine,” saad ng Viva.
“Vice Ganda will serve as the Philippines' representative for Best Actor after earning the national winner title for his performance in ‘Call Me Mother’ at the Asian Academy Creative Awards 2026! Congratulations!” pahayag naman ng ABS-CBN.
Nagpasalamat din si Vice, 50, sa awards body matapos siyang kilalaning National Winner sa October 1 episode ng “It’s Showtime.”
“Maraming, maraming salamat dahil ako 'yung itinanghal n'yo pong national winner. I'm very proud to represent the Philippines sa Asian Academy Creative Awards. Sana manalo tayo, sana manalo ang Pilipinas,” aniya.
Nadagdagan pa ng pagkilalang ito ang mahabang listahan ng acting awards ni Nadine. Kabilang dito ang Best Actress awards na napanalunan niya sa 2019 Gawad Urian para sa “Never Not Love You” at sa 2022 Metro Manila Film Festival para sa horror film na “Deleter.”
Si Nadine, 32, ay nakatanggap din ng ilang Best Actress awards mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) para sa kanyang mga pagganap sa “Never Not Love You,” “Ulan,” at “Greed.” Noong 2025, muli siyang kinilala matapos manalo bilang Best Supporting Actress sa Metro Manila Film Festival para sa kanyang papel sa “Uninvited.”
Samantala, kabilang naman sa mga acting award ni Vice ang Best Actor awards na napanalunan niya sa 73rd FAMAS Awards para sa kanyang pagganap sa “And the Breadwinner Is...” at sa Metro Manila Film Festival para sa “Call Me Mother.”
Kasama nina Nadine at child actor na si Lucas Andalio si Vice sa lead cast ng “Call Me Mother,” na naging blockbuster hit.

