top of page

Ms. Rachel, nag-donate ng $5,000 para matulungan ang baby na may kondisyon sa tiyan

Kimberly Asis / Sari Story News

October 6, 2026 at 11:27:12 AM

Larawan ni Ms. Rachel.

Larawan kuha mula sa Facebook account ni Ms. Rachel.

FACEBOOK / Ms. Rachel

Nag-donate ang American YouTuber at educator na si Ms. Rachel ng $5,000 para matulungan ang isang Filipino baby na na-diagnose na may omphalocele at mabawasan ang bigat ng gastusing medikal ng pamilya.


Si Ms. Rachel, na ang tunay na pangalan ay Rachel Griffin-Accurso, ay nagpaabot ng donasyon matapos siyang direktang i-mention sa Threads ng ina ng sanggol na si Daisy Mejia.


Ibinahagi ni Mejia na fan ng kanyang anak si Ms. Rachel at mahilig itong makisabay sa pagkanta ng “I Love a Rainbow,” isang original song ni Ms. Rachel.


Sa kanyang post, nagpasalamat si Mejia, 43, kay Ms. Rachel sa saya na naibibigay nito sa kanyang anak bago siya nagtanong kung maaari niyang i-share sa social media ang link ng fundraiser para sa kanyang bunsong anak na na-diagnose na may omphalocele.


Ayon sa Cleveland Clinic, ang omphalocele ay isang kondisyon kung saan ang mga organ sa tiyan ng isang sanggol ay nabubuo sa labas ng kanyang katawan. Sa pamamagitan ng operasyon, inaayos ang butas sa abdominal wall at ibinabalik sa loob ng tiyan ang mga organ.


“Hi Miss Rachel @msrachelforlittles! I'm hoping if you could please share our fundraiser for his little brother who was diagnosed with omphalocele. Thank you so much,” saad niya, kalakip ang link ng fundraising campaign.


Sa halip na ibahagi ang fundraiser, sinabi ni Ms. Rachel na nauna na siyang nag-donate ng buong halagang kinakailangan.


“I donated the full amount. He's so precious and much love to the whole family. Hope his brother feels better soon.”


Ayon sa GoGetFunding page, umabot sa $5,000 ang donasyon, o mahigit ₱313,000.


Mahigit ₱292,000 naman ang kabuuang hospital bill ng sanggol sa Asian Hospital and Medical Center sa Alabang, Muntinlupa City. Sapat ang halagang ibinigay ni Ms. Rachel upang mabayaran ang buong bill.


Kalaunan, buong-pusong nagpasalamat si Mejia kay Ms. Rachel sa pagtulong nito sa kanilang pamilya sa gitna ng kanilang pinagdaraanan.


“Thank you so much @msrachelforlittles from the bottom of my heart, for your generous donation. I honestly don’t have enough words to express how grateful I am for your kindness and generosity.


“Your help means so much to me and my family, and it has given us comfort and hope during a very difficult time. Please know that your kindness will never be forgotten. Thank you for being such a blessing to us. May God bless you and your family abundantly,” saad ni Mejia.


Hindi lamang si Ms. Rachel ang nagpaabot ng tulong sa pamilya. May iba pang indibidwal na nagbigay ng kanilang suporta at patuloy na tumutulong sa kanila.


Kilala rin si Ms. Rachel sa paggamit ng kanyang platform upang suportahan ang mga batang nangangailangan. Bilang ambassador ng Save the Children, nakikibahagi siya sa mga fundraising effort para sa mga batang apektado ng mga conflict sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Dati na rin siyang nangakong magbibigay ng $1 milyon upang tumbasan ang halagang ini-donate ng rapper na si Macklemore sa Palestine Children’s Relief Fund (PCRF), na nagbibigay ng medical care at humanitarian assistance sa mga batang nasa Gaza.


Bukod sa kanyang advocacy, sumikat si Ms. Rachel dahil sa kanyang mga online educational videos na nakatutulong sa pagkatuto at development ng mga bata sa kanilang mga unang taon.


Isa siyang dating preschool at music teacher na may pormal na training sa education. Mayroon siyang master’s degree sa music education mula sa New York University (NYU) Steinhardt, gayundin ng isa pang master’s degree sa early childhood education.


Kalaunan, dinala niya ang kanyang kaalaman at karanasan sa education sa YouTube, kung saan niya nilikha ang sikat na seryeng “Songs for Littles.”


Layunin ng serye na suportahan ang language at speech development ng mga sanggol, toddler, at preschooler sa pamamagitan ng interactive at research-backed na mga video. Gumagamit din ito ng mga estratehiyang natutuhan niya mula sa mga speech therapist na dalubhasa sa early intervention.


Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 21.5 milyong subscribers si Ms. Rachel sa YouTube at nakagawa na siya ng 126 na videos.

bottom of page