top of page

Mon Confiado, pinasok ang buhay-mangingisda para sa kanyang papel sa ‘The Fisher’

Kimberly Asis / Sari Story News

October 15, 2026 at 11:15:22 AM

Larawan ni Mon Confiado.

Larawan kuha mula sa Facebook page ni Mon Confiado.

FACEBOOK / Mon Confiado

Isang buwan na namuhay kasama ang mga mangingisda sa Ilocos Norte si Mon Confiado bilang paghahanda sa pagganap niya bilang Pedro sa pelikulang “The Fisher” ni Paul Soriano.


Sa isang social media post, ibinahagi ng premyadong aktor kung paano siya nakisama sa mga mangingisda at umangkop sa kanilang pamumuhay upang higit na maunawaan ang mundong pinagmulan ng kaniyang karakter.


“Isang buwan bago ang shooting, iniwan ko muna ang mundong nakasanayan ko upang makibahagi sa mundo ng mga mangingisda sa Norte,” pagbabahagi niya.


“Namuhay akong kasama nila. Nakibagay sa kanilang pamumuhay. Nagpaitim. Nagpapayat. At higit sa lahat, sinikap kong unawain ang buhay na araw-araw nilang hinaharap — ang dagat, ang hanapbuhay, ang pagod, at ang pakikipagbuno sa buhay,” dagdag niya.


Ipinaliwanag ng 58-anyos na aktor na higit pa sa pagsusuot ng damit ng kaniyang karakter ang kailangan upang mabigyang-buhay si Pedro.


“Kailangan kong maramdaman, hangga’t kaya ko, ang mundong humubog sa pagkatao niya,” aniya.


Para kay Confiado, mahalagang maunawaan din ang mga karanasan at pananaw na humubog sa pagkatao ng kaniyang ginagampanang karakter.


“Ito ay isang proseso ng pag-unawa, pakikinig, at unti-unting pagpasok sa kamalayan ng isang taong ibang-iba sa sarili mo,” pagbabahagi niya.


“Bago ko siya ganapan, kailangan ko munang kilalanin ang mundo niya. Isang buwan ng paghahanda. Isang karakter na buong-puso kong niyakap,” dagdag pa niya.


“Ako si Mon Confiado. At ito ang naging paglalakbay ko patungo kay Pedro sa THE FISHER,” pagtatapos ng aktor.


Ang “The Fisher” ay isang thriller na idinirehe ni Paul Soriano, asawa ng aktres at host na si Toni Gonzaga.


Kabilang sa mga pelikulang idinirehe ni Soriano ang “Kid Kulafu,” “Siargao,” at “My Teacher.” Naging producer din siya ng mga pelikulang “The Exorsis,” “Outside,” “Arisaka,” at ng Hollywood film na “Diamond.”


Kilala si Confiado sa pagganap sa mga makasaysayang personalidad at masalimuot na karakter. Kabilang sa mga pelikulang pinagbidahan niya ang “Heneral Luna,” “Nanahimik ang Gabi,” at “Quezon.”


Nakatrabaho na rin niya si Soriano sa action-thriller na “Arisaka” noong 2021, kung saan nagsilbi namang producer ang direktor.


Nakatakdang mapanood ang “The Fisher” sa mga sinehan sa buong Pilipinas simula Oktubre 21.

bottom of page