top of page

Moira, itinangging may kinalaman sa hiwalayan nina Sam Milby at Catriona Gray

Kimberly Asis / Sari Story News

September 22, 2026 at 12:40:50 PM

Larawan ni Moira dela Torre.

Isang screenshot ng larawan mula sa Instagram account ni Moira dela Torre.

INSTAGRAM / Moira dela Torre

Nagsalita na si Moira dela Torre tungkol sa mga espekulasyong nag-uugnay sa kanya sa hiwalayan nina actor-singer Sam Milby at Miss Universe 2018 Catriona Gray. Mariin niyang itinanggi na may kinalaman siya sa pagtatapos ng relasyon ng dalawa.


“Walang katotohanan. Hindi po ako third party kay Kuya Sam at kay Cat,” pahayag ni Moira sa isang panayam.


Aminado ang “Malaya” singer na nasaktan siya sa pagkakadawit sa kontrobersiya, lalo na’t malapit ang naging relasyon nila ni Sam.


Lalong hindi niya maintindihan kung saan nagmula ang mga alegasyon dahil itinuring niya si Sam na parang isang kapatid at “Kuya” rin ang tawag niya rito.


“Iba po 'yung ma-issue ka sa ibang lalaki. Pero 'yung mai-issue ka sa Kuya mo… hindi ko po alam kung bakit,” aniya.


Matagal nang magkaibigan sina Moira, 32, at Sam, 42. Sa isang nakaraang guesting niya sa “Toni Talks,” ibinahagi ni Moira na minsan pa silang tumira sa condo ni Sam noong pareho silang namumuhay nang mag-isa sa Maynila habang malayo sa kanilang mga pamilya. Ibinahagi rin niya na minsan siyang niregaluhan ni Sam ng gitara.


Gayunman, kalaunan ay nagbago ang kanilang samahan. Nauna nang sinabi ni Sam na hindi na sila magkaibigan ni Moira, at inamin naman ng singer na nasaktan siya sa naging pahayag ng aktor.


Sa kabila ng pagkakadawit niya sa isyu, sinabi ni Moira na alam niya kung ano ang tunay na nangyari sa pagitan nina Sam at Catriona. Gayunman, pinili niyang huwag nang magbahagi ng anumang detalye bilang pagrespeto sa kanilang dalawa.


Muli rin niyang iginiit na wala siyang naging papel sa hiwalayan nina Sam at Catriona at walang third party sa kanilang relasyon.


Samantala, habang patuloy na pinag-uusapan ang isyu, nakatuon naman si Moira sa kanyang musika at sa kanyang nalalapit na concert na “Where It All Started.” Gaganapin ang concert sa Oktubre 4 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

bottom of page