top of page

Mimiyuuuh, nilinaw ang komento kay Anne Curtis bilang “clean money girl”

Kim Asis/ Sari Story News

October 30, 2026 at 7:33:06 AM

Larawan nina Mimiyuuuh (Kaliwa) at Anne Curtis

Larawan nina Mimiyuuuh (Kaliwa) at Anne Curtis

From the Instagram account of 20th Century Studios Philippines

Nilinaw ng influencer na si Mimiyuuuh ang kaniyang naging komento tungkol kay Anne Curtis bilang “clean money girl” at iginiit na hindi ito nangangahulugang may kaduda-dudang pinagmumulan ng kita ang ibang artista.


Sa podcast na “Almost Honest” ni Kylie Verzosa, binalikan ni Mimiyuuuh kung paano nagsimula ang usapin.


“So kami ni Esnyr nag-vlog kami. Tapos parang it's just so weird na pinupuri lang namin si Miss Anne [Curtis] for being clean money girl. Kasi totoo naman na she really works hard for everything that she has. Period,” ani Mimiyuuuh.


Ipinaliwanag niya na ang pagtawag kay Anne bilang “clean money girl” ay paraan lamang ng pagkilala sa mga narating ng aktres at host, at hindi isang paghahambing sa iba pang personalidad.


“I'm not pertaining to other people na, just because hindi kita napuri na clean money girl ka or hindi ko nabanggit yung pangalan mo, it doesn't mean na you're a dirty money girl,” paglilinaw niya.


Bilang halimbawa, binanggit niya sina Kylie at Vice Ganda upang higit na maipaliwanag ang kaniyang punto.


“Kunwari, si Miss Kylie, ba't hindi ka naman na-offend nung sinabi ko si Anne Curtis ay clean money girl? Diba? Or let's say si Meme [Vice Ganda].


"Ba't hindi siya na-offend na, ‘ay ba't hindi ako sinabi ni Mimi na clean money girl? Ay clean money girl din naman ako.’ Di ba? So I feel like na-misunderstood lang din talaga lahat,” dagdag niya.


Binigyang-diin din ni Mimiyuuuh na nararapat lamang kilalanin ang mga taong nagsisikap at marangal na kumikita, anuman ang kanilang trabaho o propesyon.


Ginawa niyang halimbawa ang mga janitor at iba pang ordinaryong manggagawa na karapat-dapat ding pahalagahan dahil sa kanilang pagsisikap. Aniya, si Anne lamang ang napili nilang bigyang-pansin ni Esnyr sa kanilang vlog.


Muli ring iginiit ni Mimiyuuuh na wala siyang intensiyong magparinig o magpatama sa sinuman sa industriya ng entertainment.


“Wala akong hini-hate. Wala akong mini-mean na ibang people. It's to celebrate people who work hard, na galing sa malinis. Ayun naman ang aking point dun,” pahayag niya.


Nag-ugat ang kontrobersiya matapos umani ng iba't ibang reaksiyon online ang katagang “clean money girl,” na ininterpret ng ilang netizens bilang patama sa iba pang personalidad.


May ilan ding nagtanong kung ipinahihiwatig ba ng komento na may kahina-hinalang pinagmumulan ng yaman ang ibang celebrities, lalo't mas nabibigyang-pansin ngayon ang pinansiyal na kalagayan ng ilang personalidad.


Nakadagdag din sa usapin ang reaksiyon ni Resty Rosell, matagal nang personal assistant ni Heart Evangelista. Sa isang Instagram comment, nag-tag siya kay Mimiyuuuh at sinabing, “Hindi mo need magpasikat, Mi.”


Kinuwestiyon din niya ang naturang pahayag sa pamamagitan ng pagtatanong, “Gusto mo manampal kami ng financial statement para masabing clean money?”


Kalaunan, kumalat online ang mga screenshot ng kaniyang mga komento at umani rin ng kritisismo mula sa ilang netizens na nagsabing lalo lamang nitong pinalala ang kontrobersiya.


Sa kabila ng mga reaksiyon, nanindigan si Mimiyuuuh sa kaniyang naging komento tungkol kay Anne bilang “clean money girl.”


Noong Abril, magkasamang kinatawan nina Anne at Mimiyuuuh ang Pilipinas sa promotional event ng pelikulang “The Devil Wears Prada 2” sa Tokyo, Japan. Magkasama silang rumampa sa red carpet at nagkaroon ng pagkakataong makilala at makapanayam ang Hollywood stars na sina Meryl Streep at Anne Hathaway sa press junket ng pelikula.


Sa pagtatapos ng podcast, ibinahagi rin ni Mimiyuuuh ang kaniyang pagninilay tungkol sa kung paano maaaring magkaroon ng ibang kahulugan ang mga komentong tila walang masamang intensiyon kapag kumalat na ang mga ito online.


“I think, we need to be more careful about putting things on the internet. Kasi may naglabas na ganito, lumaki na. Eh hindi naman talaga iyon talaga iyong point ng conversation. So, I think, we need to be more responsible with the things that we say online.”


bottom of page