Mika Salamanca, gagamitin ang kita sa vlog para kay Mikee Quintos
Kimberly Asis / Sari Story News
November 10, 2026 at 10:09:58 AM
Gagamitin ni Mika Salamanca ang lahat ng kikitain mula sa bago niyang YouTube vlog kasama ang aktres na si Mikee Quintos upang pondohan ang BBS (Big Brother Save) votes na makatutulong para manatili sa kompetisyon ang kaibigan at mailigtas ito sa eviction sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 3.0.”
In-upload ni Salamanca sa YouTube nitong Lunes, Nobyembre 9, ang halos 40 minutong vlog na pinamagatang “Condo Tour with Mikee Quintos | Inuman Session Episode.” Inanunsyo rin ng aktres at content creator na ilalaan niya ang lahat ng kikitain mula sa naturang video sa pagbili ng mga boto upang masiguro ang pananatili ni Quintos sa kompetisyon.
"Hindi 'yan siya pwedeng lumabas kaya lahat ng kikitain ng vlog namin na ito ilalagay ko sa BBS MIKEE!! !" saad ni Salamanca sa kanyang Instagram post kung saan inanunsyo niya ang pag-upload ng vlog. Tiniyak din niya sa mga tagasuporta na patuloy niyang ilalaan ang kikitain ng video sa mga susunod pang voting rounds ni Quintos.
"Hanggat may kinikita yung video ilalagay ko sa future votings for her," dagdag pa niya sa comment section.
Hinimok din ni Salamanca ang kanyang mga tagahanga at viewers na bumoto para kay Quintos, at iginiit na mahalaga ang bawat boto, maliit man o malaki ang halaga nito.
Ipinahayag din niya ang suporta sa isa pang housemate na si Nathan Garcia, na kabilang din sa mga nominado. Hinikayat niya ang publiko na maglaan din ng BBS votes upang mailigtas ito sa eviction.
"BBS Nathan dahil nakakatawa siya at iniyakan siya ni Ate Mikee!!" sulat ni Salamanca.
Samantala, umabot na sa 260,000 views sa YouTube ang naturang vlog. Umani rin ng papuri mula sa mga tagasuporta ang pagtulong ni Salamanca kay Quintos. Marami ang naantig sa pagkakaibigan ng dalawang aktres at humanga sa pagsisikap ni Salamanca na matulungan ang kaibigan na manatili sa kompetisyon.
Kabilang si Quintos sa unang batch ng mga Kapuso housemates na nominado para sa eviction, ayon sa anunsyo sa isang nakaraang episode ng reality show. Kailangan ngayon ni Quintos ang suporta at mga boto ng kanyang mga tagahanga upang masiguro ang pananatili niya sa loob ng PBB house bago ang nalalapit na eviction night.
Matatandaang si Salamanca ang itinanghal na Big Winner sa kauna-unahang season ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.”
Nagsimula ang pagkakaibigan nina Salamanca at Quintos matapos silang magkasama sa romcom film na “Saving Cherry,” kung saan tampok din si Barbie Forteza.

