top of page

Michael V., bagong host ng ‘Family Feud’ kapalit ni Dingdong Dantes

Kimberly Asis / Sari Story News

September 17, 2026 at 10:48:07 AM

Litrato ni Michael V.

Isang screengrab ng larawan mula sa Instagram account ng Kapuso PR

INSTAGRAM / Kapuso PR

Si Michael V. ang pansamantalang magiging host ng “Family Feud” simula Setyembre 17, habang pansamantalang mawawala si Dingdong Dantes sa weekday program.


Inanunsyo ni Dingdong ang pagbabago sa episode noong Miyerkules, kung saan ibinahagi niyang si Michael V., ang 56-anyos na aktor at komedyante, ang pansamantalang hahalili sa kanya habang nakatutok siya sa iba niyang proyekto sa telebisyon.


“Habang wala po ako sa programa, sasamahan muna kayo ng isa sa mga iniidolo, iginagalang, at minamahal ko, at minamahal natin, si Mr. Michael V.,” aniya. “Kuya Bitoy, Idol Bitoy, ikaw na muna ang bahala sa studio.”


Ang pagho-host na ito ay magbibigay kay Michael V., na kilala rin bilang Bitoy, ng pagkakataong maipakita ang kanyang natatanging istilo ng pagpapatawa at ilang dekadang karanasan sa pagbibigay-aliw sa mga manonood na Pilipino.


Ipinaliwanag naman ni Dingdong, 46, na ang pansamantalang pagliban ay makatutulong sa kanyang paghahanda para sa mga darating na taping ng kaniyany serye na “The Master Cutter,” habang siya rin ay nagho-host ng “The Voice Kids.”


Bagama’t pansamantalang aalis si Dingdong sa “Family Feud,” tiniyak niya sa mga manonood na pansamantala lamang ang kanyang pagkawala at nangakong babalik siya agad.


“Babalik po ako. Very, very soon,” aniya.


“Survey says, si Michael V. ang makakasama niyo gabi-gabi, dito lang sa Family Feud.”


Sa ngayon, ang bida ng “Bubble Gang” at “Pepito Manaloto” ang magiging Game Master ng “Family Feud.”

bottom of page