Michael McDonald, muling nakasama ang anak makalipas ang halos anim na dekada
Kimberly Asis / Sari Story News
October 12, 2026 at 12:33:37 PM
Matapos ang halos anim na dekadang pagkakawalay, muling nagkita ang beteranong musikero na si Michael McDonald at ang anak niyang si Michael Goessling, na matagal niyang hindi nakasama at hindi nagkaroon ng pagkakataong palakihin. Naging posible ang kanilang pagkikita matapos ang hindi inaasahang pagkakatuklas sa ugnayan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng DNA testing.
Ayon sa Entertainment Weekly, nagsimula ang lahat nang sumailalim sa DNA test sa 23andMe ang isa pang anak ni McDonald na si Dylan McDonald. Natuklasan niya sa pagsusuri na mayroon siyang kapatid sa ama na nakatira sa St. Louis, Missouri. Kalaunan, nagkita si Goessling at ang kaniyang biyolohikal na ina noong ika-58 kaarawan niya, na naging daan upang makaugnayan din niya ang kaniyang biyolohikal na ama na si Michael McDonald.
Kapwa 14 na taong gulang lamang sina McDonald at ang dati niyang nobya nang isilang nila si Goessling. Dahil sa kanilang murang edad, hindi nila nagawang palakihin ang kanilang anak kaya ipinaampon nila ito.
Lumaki si Goessling sa St. Louis sa pangangalaga ng kaniyang mga umampon na magulang na sina Paul at Kay Goessling. Noon pa man ay alam na niyang ampon siya, ngunit wala siyang kaalam-alam na ang kaniyang tunay na ama ay ang sikat na mang-aawit
Sa una nilang pag-uusap sa telepono, tinanong ni Goessling si McDonald tungkol sa trabaho nito. Nang sabihin ni McDonald na isa siyang musikero at magtatanghal ang kaniyang banda sa St. Louis, unti-unting nabuo sa isip ni Goessling ang mga piraso ng impormasyong kaniyang natuklasan. Kalaunan, tinanong niya kung si Michael McDonald nga ang kaniyang kausap, na sinagot naman ng mang-aawit ng, “Yeah, I’m afraid so.”
Ayon naman sa ulat ng 7News Australia, kalaunan ay nagkita nang personal ang mag-ama at nagyakap nang mahigpit. Agad din nilang ipinahayag ang pagmamahal sa isa't isa. Ayon kay Goessling, sinabi sa kaniya ni McDonald na mahal siya nito, at ganoon din ang naging tugon niya sa kaniyang ama.
Pinuri naman ng 74-anyos na si McDonald ang mga umampon na magulang ni Goessling na sina Paul at Kay sa pagbibigay sa kaniyang anak ng mapagmahal at ligtas na tahanan. Tinawag pa niya ang mag-asawa na mga “real rock stars.”
Bukod dito, unti-unti ring tinatanggap ng beteranong musikero ang isa pang balita na natuklasan niya, na mayroon nang sariling anak si Goessling, kaya isa na ring lolo si McDonald.
Nakilala si McDonald bilang lead vocalist at keyboardist ng bandang Doobie Brothers, na kaniyang sinalihan noong 1975. Nakatulong siya sa paghubog ng tunog ng banda sa pamamagitan ng kaniyang soulful vocals at impluwensiya ng R&B. Kabilang sa mga awiting naging hit sa tulong niya ang “Takin’ It to the Streets” at “What a Fool Believes.”
Muling nagsama ang McDonald at ang The Doobie Brothers at kasalukuyang naglilibot bilang bahagi ng kanilang “Walk This Road” tour.

