Mga pelikulang Hapon, mapapanood nang libre sa Japan Film Fest
Kimberly Asis / Sari Story News
September 18, 2026 at 12:59:35 PM
Mapapanood sa iba’t ibang sinehan sa Pilipinas ang mga pelikulang Hapones, kung saan 15 pelikula ang ipapalabas nang libre bilang bahagi ng Japanese Film Festival (JFF) 2026.
Mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 29, maghahatid ang festival ng iba’t ibang pelikula, kabilang ang mga makabagong pelikula, classic films, animation, at Cinema Kabuki productions, para sa mga manonood sa Metro Manila, Baguio, Cebu, Iloilo, Davao, at Cagayan de Oro.
Magsisimula ang mga screening sa SM Megamall mula Oktubre 1 hanggang 4, na susundan ng SM City Baguio mula Oktubre 9 hanggang 18.
Magkakaroon naman ng screenings sa SM City Manila at SM City Cebu mula Oktubre 16 hanggang 25. Sa Nobyembre, magpapatuloy ang festival sa SM City Iloilo mula Nobyembre 6 hanggang 15 at SM Lanang mula Nobyembre 13 hanggang 22.
Sa huling bahagi ng festival, gaganapin ang screenings sa SM CDO Downtown Premiere at SM City North EDSA mula Nobyembre 20 hanggang 29. Inaasahang ilalabas sa mga susunod na linggo ang kumpletong screening schedule para sa bawat lungsod.
Inorganisa ng Japan Foundation, Manila (JFM), tampok sa JFF 2026 ang iba’t ibang pelikulang Hapones, mula sa mga bagong pelikula at klasikong obra hanggang sa mga animation.
Kabilang sa mga tampok na pelikula ang “Kokuho” at “Hula Girls” -4K Remastered- ni Lee Sang-il, “Blue Boy Trial” at “The Girl Who Sees” ni Iizuka Kasho, pati na ang “Ghost in the Shell 2: Innocence” at “Nausicaä of the Valley of the Wind” ng Studio Ghibli.
Kasama rin sa lineup ang “Tokyo Taxi,” “Under Ninja,” “Renoir, Kono Basho,” “School Meals Time: School Excursion Inferno,” “You, Fireworks, and Our Promise,” at ang “Throne of Blood” ni Akira Kurosawa.
Tampok din sa festival ang mga Cinema Kabuki production na “Renjishi (The Father and Son Shishi Lions)” at “KABUKI「KAZE NO TANI NO NAUSICAÄ - Nausicaä of the Valley of the Wind Part 1 & Part 2.”
Makikita sa opisyal na JFF website ang mga synopsis, detalye tungkol sa cast, at genre ng mga tampok na pelikula.
Bitbit ng festival ngayong taon ang temang “Shared Treasure. Shared Stories,” na nagdiriwang sa mga pelikula, tradisyon, alaala, at karanasan ng tao na nag-uugnay sa iba’t ibang henerasyon at bansa.
Tampok din sa 2026 edition ang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Japan, gayundin sa ika-30 anibersaryo ng The Japan Foundation, Manila.
Magkakaroon din ng talkback sessions para sa piling pelikula, kung saan makakausap ng mga manonood ang mga direktor at producer at maaari nilang ibahagi ang higit pang detalye tungkol sa kanilang mga obra.

