top of page

Mga anak ni Prince Harry, tiniktikan umano ng ‘European paparazzi’ sa labas ng paaralan sa England

Sari Story

October 1, 2026 at 8:55:27 AM

Larawan ni Prince Harry at Meghan Markle

FILE PHOTO: Dumating sina Prince Harry at Meghan, Duke at Duchess of Sussex, sa Rushcutters Bay matapos ang kanilang paglalayag sa Sydney Harbour kasama ang mga beterano mula sa komunidad ng Invictus Australia sa Sydney, Australia, noong Abril 17, 2026.

Hollie Adams / Reuters

Tiniktikan umano ng ilang European paparazzi ang mga anak ni Prince Harry habang nasa paaralan sa English countryside, ayon sa kanyang tagapagsalita nitong Miyerkules. Inilarawan niya ang ginawa ng mga photographer bilang isang lubos na iresponsableng panghihimasok sa privacy ng pamilya.


Ang nasabing insidente ang pinakabagong security concern na kinasangkutan ni Harry, bunsong anak ni King Charles, matapos niyang lumipat mula California patungong Britain kasama ang asawang si Meghan Markle at ang kanilang dalawang anak na sina Prince Archie, 7, at Princess Lilibet, 5, noong nakaraang buwan.


Sinikap ng pamilya na panatilihing pribado ang lokasyon ng kanilang bagong tahanan at eskwelahan ng mga bata. Nagpalit na rin ng paaralan ang mga bata matapos magdulot ng pangamba sa kanilang security team ang matinding trapiko sa ruta patungo sa dating paaralan.


Ayon sa tagapagsalita nina Harry at Meghan, nilibot ng mga photographer ang paligid ng bagong paaralan bago huminto upang tumingin sa loob ng school grounds at bantayan ang mga bata.


“Lubhang iresponsable ang naging desisyon ng mga photographer na kumilos sa ganitong paraan sa paligid ng isang paaralan (The decision by photographers to conduct themselves in this way around a school is extraordinarily reckless),” giit ng tagapagsalita sa isang pahayag.


Bagama’t naging pangkalahatang magalang umano ang British press sa privacy ng pamilya mula nang bumalik sila sa Britain, sinabi ng tagapagsalita ng mag-asawa na may ilang European paparazzi na tila hindi handang igalang ang privacy ng mga bata habang nasa paaralan.


“Mukhang may ilang European paparazzi na ayaw igalang ang privacy ng mga bata habang nasa paaralan (Certain European paparazzi appear unwilling to respect the privacy of children at school),” aniya pa.


Matagal nang sinisisi ni Harry, 42, ang media sa pagkamatay ng kanyang ina na si Princess Diana noong 1997. Nasawi si Diana nang bumangga ang kotseng sinasakyan niya habang mabilis itong tumatakbo upang makatakas sa mga paparazzi na humahabol sa kanila. Mahigpit na ipinagtatanggol ni Harry ang privacy ng kanyang pamilya at inihambing na rin niya ang naging trato ng media kay Meghan sa sinapit ng kanyang ina.


Ang mag-asawa, na umalis sa kanilang royal duties noong 2020 at naging private citizens, ay may sarili nang security team. Gayunman, nais nilang magbigay ang British government ng automatic police protection sa kanilang pamilya, gaya ng proteksiyong ipinagkakaloob sa iba pang senior members ng royal family.


Nakaranas din umano ng mga katulad na insidente ang kapatid ni Harry na si Prince William, na siyang tagapagmana ng trono. Noong nakaraan, nanalo rin si William sa mga privacy case laban sa ilang French magazine dahil sa paglalathala ng mga litrato ng kanyang pamilya habang hindi sila gumaganap ng official duties.


Ang magkapatid, na dating malapit sa isa’t isa, ay naging magkahiwalay ang landas matapos umalis si Harry sa royal duties at maglabas ng isang libro tungkol sa pagkasira ng kanilang relasyon. Nagbigay rin siya ng ilang panayam kung saan pinuna niya ang royal family.


bottom of page