top of page

Maris Racal, babalik bilang ‘Sunshine’ sa kanyang stage debut

Kimberly Asis / Sari Story News

September 29, 2026 at 12:22:26 PM

Larawan ni Maris Racal.

Isang kuha ng larawan mula sa Instagram account ni Maris Racal.

INSTAGRAM / Maris Racal

Muling bibida si Maris Racal bilang Sunshine sa stage adaptation ng coming-of-age drama na “Sunshine,” isa sa kanyang mga pinakakilalang papel.


Magsisilbi rin itong stage debut ni Racal. Ayon sa Deadline, magiging “immersive” at “choose-your-own-adventure experience” ang production, kung saan mas magiging aktibong bahagi ang audience sa kuwento ni Sunshine at sa mga desisyong kanyang haharapin.


Ang “Sunshine” ay isa sa mga production na kasalukuyang binubuo sa ilalim ng bagong production house ng filmmaker at producer na si Antoinette Jadaone, ang Ilaya Ilaya. Pinamumunuan niya ang kumpanya kasama ang matagal niyang collaborator at producer na si Reign Anne De Guzman, na nakatrabaho rin niya sa “Sunshine” at “That Thing Called Tadhana.”


Bagama’t si Jadaone ang nagdirek ng orihinal na pelikula, hindi siya ang magdidirek ng stage adaptation. Si Mikko Angeles, na co-director ng “Bar Boys: The Musical,” ang mangunguna sa direksyon ng production, habang si Mika Regis, na kilala sa kanyang trabaho sa “Unica Hijas,” ang magsusulat ng script.


Umiikot ang “Sunshine” sa isang teenager na gymnast na nangangarap ng magandang kinabukasan sa mundo ng sports. Gayunman, nabago ang kanyang mga plano matapos niyang matuklasang buntis siya ilang araw bago ang isang mahalagang kompetisyon.


Layunin ng stage adaptation na palawakin pa ang pagtalakay ng pelikula sa "agency, complicity, at choice," at bigyan ang audience ng mas aktibong karanasan sa mga temang ito sa halip na basta panoorin si Sunshine habang gumagawa ng mahahalagang desisyon.


“When you’re watching a film, you’re there to just watch Sunshine make decisions,” ani Jadaone sa isang pahayag. “But what if Sunshine’s story was something you could hold and influence as an audience member?”


Nag-premiere ang orihinal na pelikula sa Toronto International Film Festival (TIFF) noong Setyembre 2024. Sa direksyon ni Jadaone, nagkamit ang “Sunshine” ng Crystal Bear for Best Film sa Generation 14plus section ng 75th Berlin International Film Festival noong 2025. Nagkaroon naman ito ng theatrical release sa mga sinehan sa Pilipinas noong Hulyo ng parehong taon.


Si Racal, 29, ay nagwagi rin ng Best Actress award sa Entertainment Editors’ Choice Awards.


Para sa demanding na role, sumailalim si Racal sa matinding paghahanda at nag-training sa loob ng isang taon upang maging angkop sa karakter sa pelikula.


Kabilang din sa cast ng orihinal na pelikula sina Jennica Garcia, Elijah Canlas, Xyriel Manabat, at Annika Co.


Sa ngayon, wala pang inilabas na premiere date para sa stage production at iba pang detalye tungkol sa cast.

bottom of page