top of page

Marian Rivera, pasok sa top taxpayers ng Mandaluyong sa unang kalahati ng 2026

Kimberly Asis / Sari Story News

October 5, 2026 at 10:33:07 AM

Larawan ni Marian Rivera.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Marian Rivera.

INSTAGRAM / Marian Rivera

Kinilala si Marian Rivera bilang isa sa mga nangungunang nagbabayad ng buwis sa Mandaluyong City para sa unang semestre ng 2026.


Noong Oktubre 1, ginawaran ng plaque of recognition ang aktres ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District Office (RDO) No. 41-Mandaluyong City bilang isa sa kanilang “Natatanging Taxpayers.”


Ayon sa BIR, kinilala si Marian dahil sa kanyang “valuable contribution to nation-building through responsible tax compliance.”


Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng pagiging responsable sa pagbabayad ng buwis. Anila, “Bawat pisong ibinabayad sa buwis ay may ambag sa mas magandang kinabukasan.”


Nagpasalamat din ang RDO sa aktres sa pagiging responsableng taxpayer at sa pagiging magandang halimbawa sa iba.


“Maraming salamat, Ms. Marian, sa pagiging inspirasyon, huwaran, at katuwang sa pagbuo ng mas maunlad na komunidad,” dagdag nito.


Makikita sa mga larawang ibinahagi ng ahensya si Marian habang tinatanggap ang plaque mula sa mga opisyal ng BIR. Ibinahagi rin ni Marian sa kanyang social media ang ilang larawan mula sa seremonya, kabilang ang mga kuha niya na suot ang kanyang outfit para sa event at ang plaque na kanyang natanggap.


Hindi ibinunyag ng BIR kung magkano ang kabuuang buwis na binayaran ni Marian.


Gayunman, hindi na bago para sa aktres ang mapabilang sa mga kilalang taxpayer sa bansa. Noong 2008, napabilang na rin siya sa mga listahan ng BIR ng mga nangungunang indibidwal na nagbabayad ng buwis.


Noong 2009, naiulat na ika-62 si Marian sa listahan matapos umabot sa humigit-kumulang ₱10.12 milyon ang kanyang binayarang buwis. Nanatili rin siya sa hanay ng mga nangungunang indibidwal na nagbabayad ng buwis sa bansa nang sumunod na taon.


Noong 2014, muli siyang napabilang sa naturang listahan matapos umanong magbayad ng tinatayang ₱19 milyon na buwis.

bottom of page