top of page

Marian Rivera, ibinunyag ang totoong nangyari sa likod ng matagal nang ‘padlock’ isyu

Kimberly Asis / Sari Story News

October 26, 2026 at 10:12:58 AM

Larawan ni Marian Rivera.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Marian Rivera.

INSTAGRAM / Marian Rivera

Sa wakas, nagsalita na si Marian Rivera tungkol sa matagal nang “padlock” controversy na nag-uugnay sa kanya sa isang kapwa aktres. Hinarap ng aktres ang usap-usapan na ilang taon nang kumakalat sa publiko sa kanyang guest appearance sa “Gandang Gabi, Vice!,” na pinangungunahan ng Unkabogable Star na si Vice Ganda.


Nag-ugat umano ang kontrobersiya sa isang out-of-town taping ng teleseryeng “Endless Love” noong 2010, kung saan napabalitang ikinulong ni Marian ang isang kapwa aktres sa loob ng banyo.


Bago ang kanilang kuwentuhan, lumahok muna si Marian sa isang skit kasama ang mga co-host na sina Vince Maristela at Verna Periwinkle, na gumanap bilang sina Dingdong Dantes at ang kanyang co-star.


Sa naturang eksena, sinorpresa ni Marian ang kanyang asawang si Dingdong sa set at nadatnan niya itong kasama ang aktres. Patuloy umanong nakikipaglandian at humahalik sa aktor ang babae kahit na sinabi na ng direktor ang “cut.”


Nauwi ito sa pagtatalo nina Marian at ng aktres, kung saan naglabas si Marian ng padlock at tinawag itong “lock ng katotohanan.”


“Hindi ito aware. Iyan ang mahirap kapag wala kang awareness sa social media,” ani Marian.


Sa kanilang pag-uusap, diretsahang tinanong ni Vice kung totoong nangyari ang insidente.


“Yung totoo? Alam mo ako,” panimula ni Marian.


“Iyong totoo niyan, maayos na kaming dalawa. Noon pa man, way, way back na at hinding hindi ko makakalimutan. Nag-guest kasi siya sa Marian Show. Sabi sa akin ng staff dun, 'okay ba, igi-guest ko si ganito?'


"Sabi ko, of course, sige. Pumunta siya, nagkita kaming dalawa. Nag-sorry siya sa akin. So from there, alam niya na may mga nangyari na hindi naman talagang nangyari. Para sa akin, hindi ko na kailangan i-explain sa social media,” pagbabahagi ni Marian.


Ayon kay Marian, ngayon lamang niya hayagang tinalakay ang kontrobersiya dahil matagal niyang piniling manahimik tungkol dito.


“Oo, pero willing naman ako to open up. Alam mo, buong buhay ko never ko itong pinag-uusapan kasi kahit anong paliwanag mo sa tao, nakadikta na sa utak nila 'yung totoong nangyari.


"So okay na ako dun. Ang mahalaga, kaming dalawa, 'pag nagkikita kami, okay na kami. At para sa akin, napatawad ko na siya,” ani Marian.


Nang tanungin kung totoong naganap ang insidente, mariing itinanggi ni Marian ang alegasyon.


“Pero kung ang tanong mo ay nangyari ba talaga, hindi. Paano mo gagawin ‘yun na ila-lock mo na nasa loob ‘yung lock? Ibig sabihin, kaming dalawa ang nag-lock,” paliwanag niya.


Kinuwestiyon din ni Vice kung kapani-paniwala ang naturang kuwento. Aniya, karaniwang may kandado ang mga dressing room, ngunit hindi naman gumagamit ng padlock na maaaring ikandado mula sa loob.


“Exactly,” tugon ni Marian. “Never. Pero alam mo Vice, yun yung pinakamaganda diyan. After all, lahat ng speculation, kung anong gusto nilang isipin, ang mahalaga, kami nung tao, maayos kami. Okay na ako dun,” dagdag pa niya.


Pinili ni Marian na hindi na pangalanan ang aktres dahil matagal na umano silang nagkaayos at nagkapatawaran.


Samantala, muling magsasama sa big screen sina Marian at Dingdong sa pelikulang “Remember,” kasunod ng tagumpay ng kanilang naunang pelikulang “Rewind.” Nakatakdang ipalabas ang bagong pelikula sa mga sinehan sa Nobyembre 11, 2026.

bottom of page