Manny Pacquiao, nabanggit sa Marvel universe sa seryeng ‘VisionQuest’
Kimberly Asis / Sari Story News
October 22, 2026 at 11:16:05 AM
Maging ang pangalan ng boxing legend na si Manny Pacquiao ay umabot na rin sa Marvel Cinematic Universe (MCU) matapos siyang mabanggit sa isang episode ng Marvel series na "VisionQuest."
Sa ikatlong episode ng serye nabanggit ang pangalan ni Pacquiao sa gitna ng pag-uusap nina Vision (Paul Bettany) at Tommy Maximoff, na kilala rin bilang Speed (Ruaridh Mollica).
Nang sabihin ni Tommy na kaliwete siya, humingi ng tulong si Vision sa kanyang AI companion na si E.D.I.T.H. (Emily Hampshire) upang maipagpatuloy ang kanilang pag-uusap. Bilang paksa, binanggit ni E.D.I.T.H. ang tagumpay ni Pacquiao bilang walong dibisyong kampeon sa boksing.
Inulit ni Vision ang impormasyong ibinigay ng AI at sinabing, “Manny Pacquiao, eight world titles.” Gayunman, kinuwestiyon ni Tommy kung interesado ba talaga si Vision sa boksing o gumagamit lamang ito ng teknolohiya upang humanap ng mapag-uusapan.
“Are you actually into boxing or are you Googling small talk?” tanong ni Tommy.
Bago ang nasabing pag-uusap, aksidenteng nasugatan ni Tommy ang kanyang sarili habang ginagamit ang kanyang kapangyarihan sa isang vending machine.
Nang kumustahin siya ni Vision, tiniyak ni Tommy na magiging maayos din siya at ipinaliwanag na isa siyang “southpaw,” o kaliwete. Karaniwang ginagamit ang terminong ito upang ilarawan ang isang tao o atleta na mas dominante ang kaliwang kamay.
Ang pagiging kaliwete ni Tommy ang naging daan upang mabanggit si Pacquiao, na kilala sa kanyang southpaw stance o tindig sa boksing na nakatuon sa paggamit ng kaliwang kamay.
Bagama't hindi mismo lumitaw si Pacquiao sa episode, sapat na ang maikling pagbanggit sa kanya upang makatawag-pansin sa mga tagahanga ng Marvel at mahilig sa boksing.
Hindi rin ito ang unang pagkakataong naiugnay sa Marvel ang isang Pilipinong personalidad. Nauna nang itinampok ang awiting “Amatz” ng Filipino rapper na si Shanti Dope sa soundtrack ng seryeng “The Falcon and the Winter Soldier.”
Ilan din sa mga artistang may lahing Pilipino o Filipino-American ang naging bahagi ng mga produksiyon ng MCU. Kabilang dito si Jacob Batalon, na gumaganap bilang Ned Leeds sa pelikulang "Spider-Man," at si Dave Bautista, na kilala sa kanyang papel bilang Drax the Destroyer sa "Guardians of the Galaxy."
Samantala, gumanap ang yumaong aktres na si Mary Rivera bilang lola ni Ned, habang si Eugene Cordero naman ang gumaganap bilang Casey sa seryeng "Loki. "Sila ay ilan lamang sa mga artistang may dugong Pilipino na naging bahagi ng mga produksiyon ng Marvel.

