Magiging housemate kaya si dating K-pop idol Gehlee Dangca sa Bahay ni Kuya?
Sari Story
October 19, 2026 at 1:29:17 PM
Usap-usapan ngayon ang posibilidad na kabilang ang dating UNIS member na si Gehlee Dangca sa “Pinoy Big Brother: Collab Edition 3.0.” Napansin ng kaniyang mga tagahanga na EverAfter ang pagkakahawig ni Gehlee sa isa sa mga misteryosong housemate na ipinakita sa pinakabagong teaser ng programa, kaya marami ang nagtanong kung siya nga ba ito.
“Si Gehlee ba ’yun?” tanong ng isang netizen. “Is that Gehlee??? Halata masyado yung mata at lips eh,” komento naman ng isa pang tagahanga.
May ilang manonood din na nagsabing posibleng kahawig lamang ni Gehlee ang ipinakitang personalidad sa teaser. Samantala, may mga netizen namang nagkomento maaaring kabilang sa mga bagong housemate ang mga vlogger at mga rising artist mula sa GMA at ABS-CBN.
Si Gehlee, 19, ay bumalik sa Pilipinas noong Setyembre 29, matapos magtapos ang kontrata ng UNIS noong Setyembre 26, 2026. Naiulat din na magpapatuloy ang kaniyang partnership sa Universal Records Philippines habang sinisimulan ang kaniyang solo music career at tinutuklas ang iba pang oportunidad sa industriya ng showbiz sa bansa.
Gayunman, hindi pa inaanunsyo ng PBB ang opisyal na listahan ng mga housemate para sa bagong season. Dahil dito, patuloy na nag-aabang at nag-iisip ang mga tagahanga kung kabilang nga ba si Gehlee sa mga papasok sa Bahay ni Kuya.
Sa teaser, ipinakita rin ang ilang posibleng housemate sa pamamagitan ng mga kuhang hindi nagpapakita ng kanilang buong pagkakakilanlan. Tampok sa mga eksena ang malalapit na kuha ng ilang pisikal na katangian, gaya ng mga mata, buhok, ngiti, at pangangatawan.
Ibinahagi ng PBB ang teaser sa opisyal nitong social media page kalakip ang caption na, “Bagong housemates, bagong bahay.”
Ipakikilala sa publiko ang mga bagong housemate sa Sabado, Oktubre 24, ganap na alas-6 ng gabi. Mapapanood ito sa GMA Network at sa opisyal na YouTube channel ng ABS-CBN.

