top of page

Lyca Gairanod, inaming pagiging dancer ang tunay na pangarap noon

Kimberly Asis / Sari Story News

October 8, 2026 at 11:46:19 AM

Larawan ni Lyca Gairanod.

Larawan kuha mula sa Facebook account ni Lyca Gairanod.

FACEBOOK / Lyca Gairanod

Inamin ni Lyca Gairanod sa “Fast Talk with Boy Abunda” na hindi talaga niya pangarap maging singer. Ang gusto niya talaga noon ay maging dancer.


Sa pag-guest niya sa talk show nitong Martes, October 6, binalikan ng 21-year-old singer ang panahon na madalas siyang sumasali sa mga dance contest.


“Noong una po talaga, Tito Boy, ang pagsali ko is nagsasayaw po ako. Hindi po ako nakanta. Sayaw lang po talaga ang gusto ko noon. Dancer po ang gusto ko talaga noon,” kuwento niya.


Nagbago ang pananaw ni Lyca matapos niyang mapanood si Sarah Geronimo, na kalaunan ay naging coach niya sa “The Voice Kids Philippines.” Nang makita niyang mahusay si Sarah sa pagkanta at pagsasayaw, na-inspire si Lyca na subukan ang parehong talento.


“Noong nakita ko si Coach Sarah, magaling siyang kumanta, sabay ang galing din niyang sumayaw. So pwede rin naman akong maging dancer, pwede rin naman akong maging singer. So pinagsabay ko po siya,” ani Lyca.


“So, minsan natatalo, minsan nananalo. Well, okay lang naman po yun. Kasama naman yun sa journey ng buhay,” dagdag niya.


Nalaman ni Lyca na kaya pala niyang kumanta noong anim na taong gulang pa lang siya. Mahilig na siya noon sa music at madalas siyang kumanta kahit saan siya mapunta. Aminado rin siyang natutuwa siya kapag napapansin siya ng ibang tao.


“Tapos, nahilig na talaga ako sa music. Hilig ko na ’yung Aegis, birit ako nang birit. Tapos noong nalaman ng father ko na gusto kong kumanta, siya po ang nag-train sa akin. Kasi ang father ko po, kumakanta rin at kontesero rin po siya,” kuwento niya.


Dahil sa hilig niyang kumanta, napunta si Lyca sa unang season ng “The Voice Kids Philippines” noong 2014. Siyam na taong gulang pa lamang siya nang sumali siya sa sikat na singing competition.


Sa kanyang Blind Audition, napabilib ni Lyca ang mga coach sa kanyang performance ng “Halik,” ang rock ballad ng Aegis. Dahil dito, pinindot ni Sarah Geronimo ang kanyang buzzer, kaya nabigyan si Lyca ng pagkakataong mapabilang sa Team Sarah.


Kalaunan, nakabalik si Lyca sa entablado para sa grand finale, kung saan kinanta niya ang isa pang classic ng Aegis na “Basang-Basa sa Ulan,” kasama mismo ang banda.


Sa huli, siya ang nagwagi sa unang season ng kompetisyon. Sina Darren Espanto, Juan Karlos Labajo, at Darlene Vibares naman ang nagtapos sa second, third, at fourth place.


Ngayon, mahigit isang dekada matapos ang kanyang tagumpay sa “The Voice Kids,” muling napapansin online si Lyca dahil sa pag-viral ulit ng dati niyang kanta na “Pwede Nang Mangarap.”


Muling sumikat ang kanta dahil sa catchy at madaling sundang dance steps nito, masiglang tunog, at makulay na music video na may rainbow-themed na concept.


Naging paborito na rin ito ng mga netizen sa internet. Ginagamit nila ang kanta bilang background music o vocal stim sa iba’t ibang pang-araw-araw na sitwasyon—mula sa simpleng pag-survive sa araw-araw hanggang sa pag-celebrate ng kanilang mga personal na milestones.

bottom of page