top of page

Liza Soberano, kasama sa cast ng ‘The Moons of LA’ ng Amazon Audible

Kimberly Asis / Sari Story News

October 2, 2026 at 12:00:34 PM

Larawan ni Liza Soberano.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Liza Soberano.

INSTAGRAM / Liza Soberano

May panibagong Hollywood project si Liza Soberano matapos siyang mapasama sa cast ng “The Moons of LA,” isang comedy audio series mula sa Audible na tampok din ang mga kilalang Asian American actors na sina Ken Jeong, Daniel Dae Kim, at Randall Park.


Ayon sa Variety, may “meta twist” ang bagong serye tungkol sa isang batang nahuhumaling sa true-crime podcasts at ginagamit ang kanyang investigative skills para subukang ayusin ang relasyon ng kanyang mga magulang.


Ang “The Moons of LA” ay isang coming-of-age comedy na umiikot sa pamilya, pagkakakilanlan, at personal na tagumpay. Tampok dito si Chloe Moon, isang high school student na nangangarap maging investigative journalist. Dahil nag-aalala siya sa relasyon ng kanyang mga magulang, nagsimula siyang magtanong-tanong sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan ng pamilya para malaman kung saan nagsimula ang problema at kung paano niya matutulungang magkaayos ang mga magulang niya.


Si Alyssa Abiera ang gaganap bilang Chloe, habang hindi pa tinutukoy ang magiging papel ni Soberano sa serye.


Kasama rin sa Korean American-led ensemble sina Jae Suh Park, Jimmy O. Yang, John Cho, Sherry Cola, Vivian Bang, at Sydney Park.


Pinangungunahan naman ng writer na si Paul Bae (“The Black Tapes”) at director na si James Kim (“Moonface”) ang creative team sa likod ng serye. Nagsisilbi rin si Kim bilang executive producer kasama sina Jeong, John Cheng, Will Malnati, at Ashley Taylor.


Co-produced ang proyekto ng Audible, 3AD, at At Will Media.


“We've been lucky enough to bring together a stellar cast to tell a story that is both unique to the Korean American identity and universal in its exploration of the definition of personal success,” pahayag ni Kim sa Variety. “I'm grateful to 3AD, our entire creative team, and Audible for bringing it to life.”


Eksklusibong mapapakinggan sa Audible, ang audio entertainment platform na pagmamay-ari ng Amazon, ang “The Moons of LA” simula Oktubre 8.


Ang bagong proyekto ay isa na namang dagdag sa lumalawak na Hollywood career ni Soberano, kasunod ng kanyang pagganap sa “Lisa Frankenstein” at sa Filipino-inspired animated feature ng DreamWorks na “Forgotten Island,” na kasalukuyan niyang pino-promote.

bottom of page