Lisa ng BLACKPINK, sinalubong ng matinding sigawan ng fans sa premiere ng TIFF documentary
Sari Story
September 15, 2026 at 3:18:58 AM
TORONTO – Sinalubong ng matitinding sigawan ng mga tagahanga si K-pop star Lisa nang rumampa siya sa red carpet ng Toronto International Film Festival (TIFF) para sa premiere ng bago niyang dokumentaryo na “Always Lalisa.”
Sumikat si Lisa bilang miyembro ng K-pop girl group na BLACKPINK. Tampok sa pelikula ang isang taon sa kanyang buhay matapos niyang magpahinga muna sa grupo upang simulan ang kanyang solo career.
“Sinubukan ko lang na maghanap ng mga bagong bagay, tulad ng kung ano pa ang maaari kong gawin bukod dito (I just tried to find new things — like what can I do more than this?),” sinabi niya sa Reuters sa isang panayam matapos ang premiere nitong Biyernes.
Sinabi ng K-pop star, na ang buong pangalan ay Lalisa Manobal, na una niyang inakala na sapat na ang isang taon para malaman niya ang kanyang mga nais gawin, ngunit patuloy pa rin niyang hinahanap kung ano ang kanyang minamahal na gawin at kung ano ang susunod niyang haharapin.
Tampok sa “Always Lalisa” ang mga tagumpay at pagsubok niya mula 2024 hanggang 2025, kabilang ang paglabas ng kanyang debut solo album na “Alter Ego,” ang kanyang acting debut sa hit HBO series na “The White Lotus,” at ang paghahanda niya para sa mga solo performance sa harap ng malalaking audience sa Coachella music festival.
Ang dokumentaryo ay sa direksyon ni Sue Kim, na executive producer din ng 2024 Apple TV documentary series na “K-Pop Idols.”
Sinabi ni Kim sa Reuters na naging pagkakataon ang dokumentaryo upang mas makilala si Lisa sa labas ng imaheng karaniwang nakikita ng publiko bilang bahagi ng K-pop industry.
Samantala, nagbalik sa entablado ang BLACKPINK nitong Pebrero matapos ang pahinga nito at inilabas ang mini-album na “DEADLINE,” ang unang release ng grupo sa mahigit tatlong taon.
Mapapanood sa mga sinehan ang “Always Lalisa” simula Oktubre 12.

