Limited edition na ‘Classic Darna #1,’ ilalabas sa SuperManila Comic Con
Sari Story
September 4, 2026 at 10:52:50 AM
Magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagahanga ng classic Philippine komiks na magkaroon ng bahagi ng kasaysayan sa paglabas ng special edition comic book ng “Darna” ni Mars Ravelo sa SuperManila Comic Con 2026.
Tampok sa “Classic Darna #1” ang mga kuwento mula sa mga pinakaunang paglabas ng karakter sa komiks, kabilang ang unang paglabas ni Darna at ang kuwento ng kanyang pinagmulan. Sa halip na bagong kwento o modernong bersyon, muling inilimbag sa koleksyon ang orihinal na materyal na tumulong upang makilala si Darna bilang isa sa mga pinakatanyag at matagal nang bahagi ng kulturang Pilipino.
Nilikha ng “King of Pinoy Komiks” na si Mars Ravelo, unang lumabas si Darna sa Pilipino Komiks noong 1950. Malaki rin ang naging ambag ng kinikilalang Filipino artist na si Nestor Redondo sa pagkakabuo ng pamilyar na hitsura ng karakter, at tampok ang kanyang mga ilustrasyon sa mga kuwentong muling inilimbag.
Binigyan naman ng mas makabagong dating ang Darna sa SuperManila edition sa pamamagitan ng cover artwork ng internationally renowned artist na si Stanley “ARTGERM” Lau. Nagkaroon man ng bagong hitsura ang cover, nananatili ang mga orihinal na kwento at artwork sa loob.
Dalawang edition ang maaaring pagpilian ng collectors at fans, na parehong limitado sa 1,000 kopya. Ang Full-Color Virgin Cover Edition ay nagkakahalaga ng ₱1,000 at tampok ang makulay na cover, habang ang Sepia-Cover Edition (Original Look) ay nagkakahalaga ng ₱800 at may sepia cover at black-and-white na mga pahina sa loob. May kasama ring exclusive Darna trading card ang bawat kopya.
Kasama rin sa ilalabas ang “Ang Kaluluwa ni Dante,” isa pang classic mula sa isa sa mga haligi ng Philippine comics na si Francisco V. Coching. Kilala rin bilang “Dean of Filipino Illustrators,” unang inilabas ni Coching ang kwento bilang serye noong 1949. Sinusundan nito ang paglalakbay ni Dante Magtanggol na umiikot sa katarungan, pagtubos, at labanan sa pagitan ng kabutihan at kasamaan.
Ang SuperManila edition nito ay ilalabas bilang 116-page softcover at muling ginawa sa orihinal nitong black-and-white format upang mapanatili ang artwork ni Coching. Limitado lamang ito sa 300 kopya na nagkakahalaga ng ₱1,000 bawat isa.
Eksklusibong mabibili ang “Darna” at “Ang Kaluluwa ni Dante” sa SMCC merchandise booth sa SuperManila Comic Con 2026, na gaganapin mula Setyembre 4 hanggang 6 sa The Concourse at SPACE at One Ayala sa Makati City.

