LE SSERAFIM, isang gabi na lang ang concert sa Manila
Kimberly Asis / Sari Story News
October 27, 2026 at 10:01:32 AM
Inilipat sa iisang gabi ang dalawang nakatakdang concert ng LE SSERAFIM sa Manila para sa kanilang “Pureflow” Tour. Lahat ng may hawak ng tiket para sa Disyembre 6 ay ililipat sa concert sa Disyembre 5, 2026, sa SM Mall of Asia Arena.
Inanunsyo ng concert organizer na PULP Live World ang pagbabago nitong Lunes, Oktubre 26. Humingi ito ng paumanhin sa mga tagahanga ng grupo, na kilala bilang FEARNOT, at ipinaliwanag na kinakailangan ang pagbabago upang matiyak na matagumpay na matutuloy ang concert sa Manila.
“To all FEARNOT, we would like to sincerely apologize as we would need to relocate all December 6 ticket holders to the December 5, 2026 (Saturday) show, to ensure that we can still successfully bring 2026 LE SSERAFIM TOUR 'PUREFLOW' IN MANILA to you at the SM Mall of Asia Arena,” pahayag ng organizer sa opisyal nitong pahayag.
Hindi isiniwalat ng PULP Live World ang dahilan sa likod ng biglaang pagbabago, ngunit kinilala nito ang abalang maaaring idulot nito sa mga manonood ng concert.
“We understand the inconvenience this may cause and appreciate your understanding as we do our best to make the Manila stop a success,” dagdag pa ng organizer.
Maaaring ipapalit ng mga may hawak ng tiket para sa Disyembre 6 ang kanilang mga tiket sa available na upuan sa loob ng kani-kanilang ticket tier. Isasagawa ang pagpapalit sa Marina Way Ticket Booth sa SM Mall of Asia mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 5.
Para naman sa mga nais magpa-refund, maaari silang magsumite ng kahilingan sa pamamagitan ng SM Tickets hanggang Nobyembre 3.
Samantala, mananatiling walang pagbabago ang mga tiket para sa concert sa Disyembre 5. Hindi maaaring ipapalit o ipa-refund ang mga tiket na ito.
Inanunsyo ng K-pop girl group ang kanilang pagtatanghal sa Manila noong Agosto. Orihinal na nakatakdang ganapin sa loob ng dalawang gabi sa Disyembre ang kanilang “Pureflow” Tour.
Kasabay ng pagbabago sa iskedyul ang pagtatapos ng European leg ng kanilang tour. Nagtapos ang grupo sa kanilang mga pagtatanghal sa Europ noong Oktubre 26 sa Uber Arena sa Berlin, Germany. Sisimulan naman nila ang Asian leg ng tour sa Galaxy Arena sa Macau, China, sa Nobyembre 7 at 8.
Bago ang nalalapit nilang concert sa Manila, ilang beses nang nagtanghal sa Pilipinas ang South Korean girl group. Ang pinakahuli nilang pagtatanghal sa bansa ay bahagi ng “EASY CRAZY HOT” concert tour, na ginanap noong Agosto 2025.

