top of page

LANY, hindi na matutuloy ang ‘Soft World’ concert sa Davao

Kimberly Asis / Sari Story News

October 29, 2026 at 10:28:01 AM

Larawan ni LANY.

Larawan kuha mula sa Facebook account ni LANY.

FACEBOOK / LANY

Kinansela ng LANY ang nakatakda nitong concert sa Davao City sa Nobyembre 14 dahil sa mga usaping pangkaligtasan at problema sa production, ayon sa anunsyo ng Live Nation Philippines nitong Miyerkules.


Ang American pop-rock duo, na kilala sa mga kantang “ILYSB,” “Super Far,” at “Malibu Nights,” ay nakatakda sanang magtanghal sa Crocodile Park Concert Grounds bilang bahagi ng kanilang Philippine tour.


Sa anunsyo ng concert organizer, sinabi nito, “We regret to inform you that LANY: soft world tour, scheduled for November 14, 2026, at Crocodile Park Concert Grounds in Davao, has been cancelled due to safety concerns and production issues.”


“We sincerely apologize for any inconvenience this may cause and appreciate your understanding,” dagdag pa ng organizer.


Maaaring mag-request ng refund ang mga apektadong ticket holder sa pamamagitan ng SM Tickets refund portal o direktang mag-email sa customercare@smtickets.com.


Magbibigay ang SM Tickets ng mga tagubilin at listahan ng mga kinakailangan para sa pagproseso ng refund.


Maaari ring gamitin ng mga may hawak ng ticket para sa Davao concert ang halaga ng kanilang ticket bilang credit para sa November 7 show ng LANY sa Manila.


Samantala, tuloy ang iba pang nakatakdang concert ng banda sa Pilipinas. Nakatakda silang magtanghal sa Seaside Cebu Arena sa Cebu sa Nobyembre 6 at 12, gayundin sa Philippine Arena sa Bulacan sa Nobyembre 7 at 8.


Maaari namang ipagpalit ng mga may hawak ng ticket para sa November 6 show ang kanilang ticket para sa November 7 performance.


Huling nagtanghal ang LANY sa Pilipinas noong Oktubre 2024 bilang bahagi ng kanilang “A Beautiful Blur” World Tour. Nag-concert sila sa Philippine Arena noong Oktubre 12, na sinundan ng mga pagtatanghal sa Cebu mula Oktubre 13 hanggang 15.


Nagsagawa rin ang banda ng limang sold-out na concert sa SM Mall of Asia Arena noong 2022 bilang bahagi ng kanilang “A November to Remember” tour.

bottom of page