top of page

Kuya, ibinunyag na secret houseguest lang si Robbie Jaworski sa PBB

Kimberly Asis / Sari Story News

November 9, 2026 at 9:46:34 AM

Larawan ni Robbie Jaworski.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Robbie Jaworski.

INSTAGRAM / Robbie Jaworski

Nagulat ang mga manonood ng “Pinoy Big Brother Collab 3.0” nang ibunyag ni Kuya na hindi pala housemate si Robbie Jaworski, kundi isa lamang siyang secret houseguest.


Dahil sa hindi inaasahang rebelasyong ito, muling binalikan ng mga manonood ang episode noong Oktubre 24, kung saan itinalaga ni Kuya si Robbie bilang kaniyang “ka-collab” para sa isang espesyal at lihim na misyon sa ilalim ng Big Charity task.


Nakipagtambalan si Robbie sa Kapuso housemate na si Mikee Quintos, at matagumpay nilang natapos ang hamon. Nakalikom sila ng kabuuang ₱25,000 para sa charity.


Sa ngayon, wala pang kaalam-alam ang mga kasama ni Robbie sa loob ng bahay na hindi siya isang opisyal na housemate. Ayon naman sa isa sa mga host ng programa na si Bianca Gonzalez, malalaman lamang ng mga housemate ang tunay na pagkakakilanlan ni Robbie sa loob ng PBB sa "takdang" panahon.


Mula nang pumasok sa Bahay ni Kuya, unti-unti nang naipakita ni Robbie sa mga manonood ang kanyang talento at personalidad. Ipinamalas ng 26-anyos ang husay niya sa freestyle singing, pagbibigay ng payo at suporta sa kaniyang mga kasama, at aktibong nakibahagi sa mga task na ipinagagawa ni Kuya.


Sa mga nakaraang episode, napansin ding unti-unting napapalapit si Robbie sa kaniyang mga kasamang housemates dahil sa pagiging palakaibigan, mahusay na pakikisama, at makabuluhang pananaw niya sa buhay. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi pala talaga pagiging opisyal na housemate ang pakay niya sa pagpasok sa reality show.


Sa labas ng PBB, kilala si Robbie bilang host at aktor. Sinimulan niya ang kaniyang karera sa showbiz bilang Myx VJ bago naging co-host ng youth-oriented talk show na “Y-Speak 2.0.” Bilang isang aktor na nagsisismula pa lamang, napanood at napasama na rin siya sa ilang palabas tulad ng pelikulang “Meet, Greet and Bye” at sa mga seryeng “The Alibi” at “The Loyalty Game.”


Anak si Robbie ng dating aktres, equestrian, at International Olympic Committee executive na si Mikee Cojuangco, at ng politiko at dating PBA player na si Robert “Dodot” Jaworski Jr. Apo rin siya ng basketball legend at dating senador na si Robert “Jawo” Jaworski Sr.


Sa kabila ng pagiging kilala ng kaniyang pamilya, unti-unti ring nakakabuo si Robbie ng sarili niyang pangalan sa industriya ng showbiz. Sa pamamagitan ng kaniyang paglahok sa PBB, nagkakaroon ng pagkakataon ang publiko na mas makilala siya sa ibang anggulo at hindi lamang bilang miyembro ng isang kilalang pamilya.


Samantala, inanunsyo na rin ng “PBB Collab 3.0” ang unang batch ng mga nominado ngayong linggo. Tatlong Kapuso at tatlong Kapamilya housemate ang nanganganib na mapaalis sa Bahay ni Kuya.


Kabilang sa mga nominado mula sa Kapamilya sina Calix, Nathan, at Primo, habang sina Ethan, Mikee, at Nicole naman ang mga nominado mula sa Kapuso.


Habang lalong umiinit ang kompetisyon, isang housemate mula sa bawat network ang malapit nang magpaalam sa kanilang mga kasama at tuluyang lisanin ang Bahay ni Kuya.

bottom of page