Kris, ipinagtanggol si Josh; Boy Abunda, nagmungkahing magsampa ng kaso
Sari Story
October 20, 2026 at 12:36:20 PM
Nagsalita na si Kris Aquino matapos magbitaw ng mapanlait na komento ang isa sa mga host ng comedy podcast na “Machong Chismisan” laban sa kaniyang panganay na anak na si Joshua “Josh” Aquino, na may autism.
Nagpahayag din ng galit ang beteranong television host na si Boy Abunda at ipinagtanggol si Josh laban sa mga nasabing komento. Aniya, papayuhan niya si Kris na magsampa ng kaso kung hihingin nito ang kaniyang opinyon.
Sa isang Instagram post na inilabas isang araw matapos sumiklab ang kontrobersiya, ipinaliwanag ng aktres at host kung bakit pinili niyang huwag agad tumugon sa mga tinawag niyang “irresponsible and uninformed opinions.”
“Many of you may have wondered why I gave no statement to what were irresponsible and uninformed opinions. A friend who I admire for his wisdom told me there are people I should learn not to give oxygen to, in other words, ignore, and the issue dies a natural death. By never stating their names or my feelings, they didn't get the word war from me they were expecting,” sulat ni Kris.
Sa halip na makipagpalitan ng maaanghang na pahayag sa mga host ng podcast, ibinahagi ni Kris ang mas personal na bahagi ng kaniyang buhay kasama ang kaniyang mga anak. Ikinuwento niya kung paano salitan sina Josh at ang nakababatang kapatid nitong si Bimby sa pag-aalaga sa kaniya.
“But to set the record straight, Kuya is with me during our afternoon siesta, although mine stretches to 4 hours. When he sees Bimb going to his computer, Kuya knows it's his shift,” pagbabahagi ni Kris.
Ikinuwento rin ni Kris ang espesyal na ugnayan nila ni Josh at kung paano ito tumutulong sa pag-aalaga sa kaniya tuwing Lunes hanggang Biyernes.
“And he loves to say: Mama, your shoulder's here. I sleep best with my head resting on Kuya's shoulder and my arms wrapped around his left arm. It's difficult because he can't move but Monday to Friday Kuya Josh does his share to take care of his mama,” dagdag pa niya.
Naglabas ng pahayag si Kris matapos ang kontrobersiyal na segment sa Oktubre 5 episode ng “Machong Chismisan” na pinamagatang “Ang Pagbabalik ni Kris Aquino.” Sa naturang episode, ikinumpara ng co-host na si Tito Patrioto, na kilala rin bilang Tito P, si Josh sa nakababatang kapatid nitong si Bimby at nagbitaw ng mapanlait na komento laban sa panganay na anak ni Kris.
“Si Bimby, sobrang okay na anak. Si Josh, walang kwenta e,” pahayag ni Tito P.
Nagkomento rin siya tungkol sa umano'y baon ni Josh sa paaralan at sinabing, “Tapos nakatunganga siya doon,” habang maririnig sa background ang pagtawa ng iba pang mga host.
Umani ng matinding batikos mula sa publiko at ilang personalidad ang mga nasabing komento. Kabilang sa mga nagpahayag ng pagkondena ang mga personalidad sa entertainment industry na sina Aiko Melendez, Troy Montero, Albie Casiño at Paolo Contis. Nagpahayag din ng pagkondena ang ilang propesyonal, politiko, advocacy group at organisasyon.
Kasunod ng matinding reaksiyon ng publiko, binura ang naturang episode at humingi ng paumanhin ang mga host. Naglabas din ng paghingi ng paumanhin ang Pod Network, ang kumpanyang gumagawa ng programa, at inanunsiyong tinapos na nito ang kontrata sa “Machong Chismisan.”
Mariin namang kinondena ni Boy ang insidente. Sa kaniyang programa na “Fast Talk with Boy Abunda,” nagpahayag ng matinding galit ang beteranong host at kinuwestiyon kung paano nagawang magbitaw ng gayong kalupit na mga komento ang mga taong mukhang matatalino at edukado.
“Nakakagalit at ang dami kong katanungan. Habang pinapanood ko ang clip hindi ko alam how this bunch of podcasters na mukhang matatalino, edukado, ay magagawa ang ganitong ka-cruel na komentaryo,” pahayag ni Boy. “And you are talking to a young man with disability. You are talking with a special boy.”
Ipinagtanggol din ni Boy si Josh at sinabing papayuhan niya si Kris na magsampa ng kaso kung hihingin nito ang kaniyang opinyon.
“Ako, if Kris would ask me? I will tell her, go to court. Idemanda mo! Dahil ito ay labag sa batas,” giit ni Abunda.
Binigyang-diin din ni Boy na hindi dapat gawing katatawanan o gamiting punchline para sa aliwan ang kapansanan ng isang tao.

