Kira Balinger, labis ang pasasalamat sa pagganap bilang Julie Vega
Kimberly Asis / Sari Story News
November 5, 2026 at 9:53:39 AM
Labis ang pasasalamat ng British-Filipino actress na si Kira Balinger sa pagkakataong gumanap bilang ang yumaong aktres na si Julie Vega sa Halloween Special ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).
Matapos mapanood ang episode na tampok ang “The Mysterious Case of Julie Vega,” ibinahagi ni Kira sa kanyang mga social media account ang ilang larawan at behind-the-scenes moments mula sa produksiyon, kalakip ang isang madamdaming mensahe tungkol sa kanyang naging karanasan.
“When this opportunity first came my way, I was absolutely over the moon!” pagbabahagi niya.
Ibinunyag ng 26-anyos na aktres na matagal na siyang sinasabihang kahawig ni Julie, kaya naman mas naging espesyal para sa kanya ang naturang karanasan. Itinuturing din niyang isang karangalan ang maikumpara sa yumaong aktres na minahal at nakilala bilang “Princess of Soap Operas.”
“I honestly can’t put into words how grateful I am to have been given the opportunity to portray a part of her life. It ’s an experience I’ll hold close to my heart,” dagdag niya.
“Maraming salamat po, KMJS, for giving me this wonderful opportunity!
“And to everyone who watched, appreciated, and shared kind words about my portrayal, maraming salamat po! Your love and support mean so much to me,” aniya.
Ipinalabas noong Nobyembre 1, muling binalikan sa naturang episode ang buhay ni Julie at ang mga pangyayaring nakapalibot sa misteryosong pagkamatay nito. Pumanaw ang aktres noong 1985, sa edad na 16, sa kasagsagan ng kanyang karera.
Tinalakay rin sa episode ang pagganap ni Julie bilang isang batang babaeng sinaniban ng masamang espiritu sa pelikulang “Lovingly Yours, Helen” noong 1984. Ito ang huling pelikulang kinabilangan niya at isa sa mga pinakatumatak na pagganap sa kanyang karera.
Sa kabila ng iba't ibang espekulasyon tungkol sa sanhi ng kanyang pagkamatay, nakasaad sa mga medical record na cardiac arrest secondary to bronchopneumonia ang opisyal na dahilan ng kanyang pagpanaw.
Sa kabila ng kontrobersiya at magkakaibang opinyon ng publiko, buong-pusong tinanggap ni Kira ang pagkakataong bigyang-buhay ang karakter ng yumaong aktres. Naging sulit naman ang kanyang desisyon dahil positibo ang naging pagtanggap ng mga manonood sa kanyang pagganap. Pinuri nila hindi lamang ang pagkakahawig niya kay Julie kundi maging ang husay niya sa pag-arte.

