top of page

Kira Balinger, itinangging siya ang tinutukoy sa blind item ng JMFyang

Kimberly Asis / Sari Story News

September 23, 2026 at 10:57:46 AM

Larawan nina Kira Balinger, Fyang Smith at JM Ibarra.

Mga kuha ng larawan mula sa Instagram account ni Kira Balinger at Fyang Smith.

INSTAGRAM / Kira Balinger / Fyang Smith

Itinanggi ni Kira Balinger na siya ang aktres na tinutukoy sa isang blind item na pinag-usapan nina Sofia “Fyang” Smith at JM Ibarra noong mag-guest sa “Gandang Gabi Vice.”


Hinarap ng British-Filipino actress ang mga kumakalat na tsismis online nitong Lunes, Setyembre 21, matapos niyang i-repost sa kanyang Instagram Stories ang pahayag mula sa kanyang official fan page. Ayon sa naturang pahayag, totoong nangyari ang insidenteng tinutukoy sa blind item, ngunit nilinaw nitong hindi si Balinger ang babaeng sangkot.


“We are writing to address the ongoing discussions and widespread rumors on social media about the blind item concerning ‘the leading man of a popular love team being invited to a hotel room by an actress,’” bahagi ng pahayag.


“While we acknowledge that the incident mentioned in the blind item did occur, we are issuing this statement to set the record straight regarding who was involved.”


“To end the unwarranted harassment, false accusations, and baseless speculations immediately: it was NOT Kira Balinger.”


Ipinaliwanag ng fan page na hindi sila magbabanggit ng pangalan o magbibigay pa ng karagdagang detalye bilang respeto sa mga artistang sangkot, kanilang management teams, at kani-kanilang fans. Gayunman, sinabi nilang hindi sila mananahimik habang nadadamay ang pangalan ni Kira sa mga maling paratang.


Hinimok din nila ang mga social media user na maging responsable at magsagawa muna ng fact-checking bago gumawa ng mga konklusyon online. “If you have watched the full video, both the host and the guests specifically emphasized not to make assumptions since no names were ever dropped. Let’s create a healthier digital space for all fandoms,” dagdag ng pahayag.


Samantala, tila hindi naman seryosong dinamdam ni Balinger ang mga kumakalat na tsismis. Sa sarili niyang repost, pabirong isinulat ng aktres, “Afam po ang type ko.”


Si Balinger ang ka-love team ni Josh Ford. Kilala ang dalawa bilang “KiSh,” isang tambalan na nakilala matapos ang kanilang pagsali sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.” Sina Fyang at JM naman ay kilala bilang onscreen love team na “JMFyang.”


Nagsimula ang mga espekulasyon matapos pag-usapan nina Fyang at JM ang blind item nang maging guest sila sa “Gandang Gabi Vice” noong Setyembre 20.


Sa segment na “Deep Truth,” naglahad si Fyang ng isang pahayag na kailangang tukuyin nina Vice Ganda at mga co-host na sina Divine Tetay, Verna Joy Periwinkle, at Vince Maristela kung “trot” o totoo, o “charot” o hindi totoo.


Ang pahayag ay: “May isang babaeng nagyaya kay JM sa isang event para umakyat sa kwarto.”


Nagbigay naman si Fyang ng ilang detalye tungkol sa umano’y insidente. Aniya, nangyari ito noong unang pagdalo nila ni JM sa ABS-CBN Ball.


Ayon kay Fyang, personal na niyaya ng babaeng celebrity si JM na sumama sa kanyang kwarto upang ipagpatuloy ang after-party. Gayunman, si JM lamang ang inimbitahan kahit kilala rin ni Fyang ang babaeng nag-imbita sa aktor.


“Nalaman ko kasi nagsabi siya [JM] sa akin,” paliwanag ni Fyang.


Naalala rin niyang sinabi ni JM sa kanya, “Alam mo ’yung parang [sabi niya], ‘Let’s have an after-party in my room.’” Inihayag din ni Fyang na mas matanda sa kanya ang nasabing babae.


Nagbigay pa siya ng isa pang clue at sinabing marunong mag-Ingles ang babae at nagtatrabaho rin ito sa ABS-CBN.


“Englishera kasi siya... Taga-ABS-CBN.”


Tinanong naman ni Vice Ganda si JM kung paano siya sumagot nang yayain siya ng babae sa kanyang kwarto. Ayon kay JM, ngumiti lamang siya dahil ayaw niyang magmukhang bastos o walang respeto.


Matapos marinig ang mga clue mula sa JMFyang, sumagot ng “trot” sina Vice, Vince, Divine, at Verna. Kalaunan, kinumpirma ni Fyang na tama ang kanilang sagot.


Pinuri rin ni Vice si Fyang sa pagiging confident nito habang ikinukuwento ang insidente.


“Ang taray mo rin talaga, ’no? Very secured ka,” ani Vice.


Sinabi naman ni Fyang na confident siyang hindi tatanggapin ni JM ang naturang imbitasyon.


“Hindi ko ibababa ’yung sarili ko para sa kanya,” ani Fyang.


Bago matapos ang kanyang pahayag, nagbigay pa siya ng tila mensahe para sa babaeng umano’y nag-imbita kay JM: “Sabi ko sa yo, girl, e. Di ba, at least, nice try.”

bottom of page