top of page

Kim Kardashian, ipinagdiwang ang kaarawan sa bakasyon sa Pilipinas

Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

October 16, 2026 at 10:52:52 AM

Larawan ni Kim Kardashian

Nagpaaraw si Kardashian, namasyal sa mga magagandang tanawin, nag-scuba diving, at kinunan ang nakamamanghang paglubog ng araw. (Kuha mula sa isang larawang ibinahagi sa kaniyang Instagram account)

Mula sa Instagram account ni Kim Kardashian

Nagbakasyon kamakailan sa Pilipinas si Kim Kardashian bilang bahagi ng kaniyang tropical getaway bago ang kaniyang ika-46 na kaarawan sa Oktubre 21. Nasiyahan siya sa mga white-sand beach ng bansa, nag-scuba diving, at nagdiwang sa pamamagitan ng isang pribadong hapunan sa tabing-dagat.


Ibinahagi ng American TV personality, negosyante, at pop-culture icon ang mga larawan at video ng kaniyang bakasyon sa Pilipinas nitong Biyernes, Oktubre 16. Nilagyan niya ito ng caption na “Philippines Birthday Adventures.”


Sa kaniyang pananatili sa bansa, nagpaaraw si Kardashian, bumisita sa mga magagandang tanawin, nag-scuba diving, at kinunan ang nakamamanghang tanawin ng paglubog ng araw. Ibinahagi rin niya ang mga larawan mula sa isang hapunang pinalilibutan ng mga kandila sa tabing-dagat, na may kasamang birthday cake at palabas ng mga paputok.


Agad namang nagkomento ang kaniyang ina na si Kris Jenner sa post at sinabing, “Kahanga-hanga! (Spectacular!).”


Nagpaabot din ng pagbati at mabubuting mensahe kay Kim ang ilang Filipino celebrity sa Instagram, kabilang sina Anne Curtis, Ruffa Gutierrez, KC Concepcion, at Isabelle Daza. Nagkomento rin ang anak ni Ruffa na si Lorin Gutierrez ng “Uy Philippines,” na tumutukoy sa viral na ekspresyong ginagamit ng mga Pilipino kapag nababanggit online ang bansa o ang kultura nito.


Bago ibahagi ang kaniyang bakasyon sa Pilipinas, nag-post si Kardashian ng mga larawan mula sa family trip nila sa iba pang bahagi ng Asya, kabilang ang pagbisita nila sa China kung saan nakita nila ang Great Wall of China.


Kamakailan lamang, naging laman din ng mga balita si Kardashian matapos bumiyahe sa Singapore upang suportahan ang kaniyang boyfriend na si Lewis Hamilton, isang British Formula 1 driver, sa Singapore Grand Prix.



bottom of page