top of page

Kapatid ni Princess Diana, itinulad ang pagtrato ng media kina Harry at Meghan sa sinapit ng yumaong prinsesa

Sari Story

September 21, 2026 at 6:04:12 AM

Larawan ni Princess Diana

FILE PHOTO: Nakipagkita si Diana, Princess of Wales sa mga panauhin sa Serpentine Gallery sa Hyde Park sa London noong Hunyo 29, 1994.

REUTERS / Simon Kreitem

LONDON — Itinulad ni Earl Charles Spencer, kapatid ng yumaong Princess Diana, ang pagtrato ng media kina Prince Harry at kanyang asawang si Meghan sa sinapit ng kanilang ina, at nagbabala na kailangan nilang matuto mula sa mga nangyari noon.


Namatay si Diana sa edad na 36 sa isang aksidente sa sasakyan sa Paris noong 1997 habang sinusundan ng mga photographer na sakay ng mga motorsiklo. Nagdulot ito ng matinding pagluluksa at muling pagsusuri kung may pananagutan ang media sa kanyang pagkamatay, matapos nitong ilantad sa mga front page sa loob ng maraming taon ang mga detalye ng kanyang pribadong buhay.


“Kung titingnan ninyo ang isang artikulo sa isang tabloid tungkol kay Diana o sa mag-asawang binanggit ninyo, sina Harry at Meghan, alam ninyo, maaari itong maging talagang, talagang hindi kanais-nais (If you look at an article in a tabloid about Diana or the couple that you were mentioning, Harry and Meghan, you know, they can be really, really unpleasant),” sabi ni Earl Charles Spencer, kapatid ni Diana, sa BBC.


“At sa tingin ko, dapat talagang matuto ang mga tao mula sa halimbawa ni Diana (And I think it would be really beholden on people to learn from Diana's example),” dagdag niya.


“Hindi ako narito para magsalita para kina Harry at Meghan, pero para sa sinumang araw-araw na sinisira sa ganitong paraan, tiyak na matinding lason ng epekto nito sa kanilang buhay (I'm not here to speak for Harry and Meghan, but for anyone who's being destroyed in this way daily, it must be such a cancerous influence in their life),” giit pa ni Earl Charles.


Si Harry, bunsong anak ni Diana, at si Meghan ay dati nang nagsalita tungkol sa epekto ng tinawag nilang toxic media sa kanilang buhay bago sila umatras sa kanilang mga tungkulin bilang senior members ng royal family at lumipat sa Estados Unidos noong 2020.


Nagsampa rin sila ng mga kaso laban sa ilang British tabloid media, na may magkakaibang naging resulta, bago sila muling bumalik sa Britanya noong Agosto.


Samantala, naging laman ng mga balita sa buong mundo si Spencer nitong nakaraang linggo matapos ilathala ng Daily Mail ang kanyang aklat na “Swan Song: Diana, My Sister” bilang serye. Sa aklat, inakusahan niya ang dating asawa ni Diana, ang kasalukuyang King Charles, na tila “giddily elated” o labis na masayang-masaya sa mga oras matapos ang pagkamatay ng prinsesa.


Bumuwelta ang Palasyo at sinabi na batid ng hari na ang sakit ng pagluluksa ng isang tao sa pagkamatay ng kanyang kapatid ay maaaring makaapekto sa pangangatwiran, paghatol, at pag-alala sa mga pangyayari, sa paraang maaaring hindi maunawaan ng iba, kahit maraming taon na ang lumipas mula nang mangyari ang naturang pagkawala.


Ang paglalathala ng aklat ni Spencer at ang pagbabalik nina Harry at Meghan sa Britanya ay panibagong hamon para sa hari, na patuloy na sumasailalim sa paggamot para sa cancer.

Inakusahan ng pamilya ni Diana ang royal family na nagpakita ng kakulangan sa suporta at malasakit sa yumaong prinsesa bago ito namatay. Ang naturang paratang ay inulit din ni Harry, na ngayon ay higit nang hiwalay ang ugnayan sa iba pang miyembro ng royal family.


bottom of page