Kapatid ni Kim Chiu na si Lakambini ‘Lakam’ Chiu, inaresto kaugnay ng 124 kaso ng qualified theft
Sari Story
September 21, 2026 at 12:20:02 PM
Inaresto sa Mandaluyong City noong Linggo, Setyembre 20, ang nakatatandang kapatid ni Kim Chiu na si Lakambini “Lakam” Chiu kaugnay ng 124 counts ng qualified theft na may kinalaman sa kanilang negosyo, ang The House of LittleBunny Philippines, Inc. (HOLB).
Dakong alas kwatro ng hapon nang arestuhin si Lakambini sa isang parking area sa Saint Francis St., Barangay Wack Wack, Mandaluyong City. Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Kamuning Police Station matapos ang intelligence-driven operation.
Inilabas ang warrant of arrest ng Branch 84 ng Quezon City Regional Trial Court, na nagtakda ng piyansang ₱5,838,000.00. Kinilala naman ng Quezon City Police District (QCPD) si Lakambini bilang “No. 6 Most Wanted Person” ng Kamuning Police Station.
Sa hiwalay na pahayag, tinukoy ng PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek bilang isang taong may kaugnayan sa isang kilalang personalidad sa entertainment industry.
Si Lakambini, 45, ay kalaunang inilagay sa kustodiya ng Kamuning Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.
Ayon kay QCPD Acting District Director PBGen. Christopher F. Olazo, kailangang ipatupad ang warrant of arrest anuman ang pagkakakilanlan ng suspek.
“No matter who the person is, a valid warrant of arrest must be enforced in accordance with the law,” ani Olazo.
Dagdag niya, magpapatuloy ang QCPD sa paghahanap sa mga wanted na indibidwal at pagdadala sa mga ito sa kaukulang awtoridad.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong qualified theft na isinampa ni Kim Chiu at ng kanyang kumpanya na The House of LittleBunny Philippines, Inc., kung saan siya ang local CEO ng Thai-based na brand ng mga bag.
Noong Disyembre 2025, nagsampa ng reklamo si Kim, 36, laban kay Lakambini matapos niyang matuklasan ang sinasabi niyang malulubhang iregularidad sa pananalapi at nawawalang pondo na may kinalaman sa negosyo.
Nauna nang inamin ng aktres at host kung gaano kahirap para sa kanya ang magsampa ng kaso laban sa kanyang sariling kapatid. “It is one of the most painful steps I have ever taken in my life,” aniya.
Sa ulat na ito, wala pang inilalabas na pahayag si Kim kaugnay ng pagkakaaresto sa kanyang kapatid.

