Kaila Estrada, nagsimula nang mag-shooting para sa unang lead role sa pelikulang ‘Birdsong’
Kimberly Asis / Sari Story News
October 26, 2026 at 11:00:58 AM
Nagsimula nang mag-shooting si Kaila Estrada para sa “Birdsong,” ang kauna-unahang feature-length film na pagbibidahan niya. Kinumpirma ng Ilaya Ilaya Studios ang pagsisimula ng produksyon sa pamamagitan ng isang social media post nitong weekend.
“DAY 1. Kaila Estrada steps into the world of Birdsong in her first ever lead role in a feature film,” saad ng production team sa post. “Unang araw pa lang, may nakamasid na.”
Agad namang bumuhos ang pagbati at suporta mula sa mga tagahanga ni Kaila, na nagpahayag din ng pananabik na mapanood ang bago niyang proyekto.
“Wow! All the best @kailaestrada For sure you can do it!!” komento ng isang fan. “Panunuorin namin ’to,” saad naman ng isa pa.
Sa isang kamakailang panel interview, ipinahayag ni Kaila ang pasasalamat sa pagkakataong maging bida sa isang full-length film. Aniya, isa itong mahalagang milestone sa kanyang karera bilang aktres.
Aminado rin siya na susubukin ng proyekto ang kanyang kakayahan at ilalabas siya sa kanyang comfort zone, habang binibigyan siya ng pagkakataong gampanan ang isang papel na hindi pa niya nasusubukan noon.
“I feel like it's such a privilege to even be considered for this because it's a challenge I'm willing to take on. And I feel like I'll really be able to grow from this project,” pahayag ni Kaila.
Si Kaila ang anak ng mga aktor na sina Janice de Belen at John Estrada. Siya ang ikatlo sa apat na magkakapatid.
Sa direksiyon ni Pam Miras at panulat ni Glenn Barit, kasama rin sa creative team ng “Birdsong” ang filmmaker na si Irene Villamor bilang creative producer.
Ayon sa Deadline, isang found-footage horror film ang “Birdsong” na umiikot sa kuwento ng isang ornithologist o dalubhasa sa mga ibon na nagtungo sa isang liblib na bundok upang hanapin ang isang maalamat na ibon. Kasabay nito, nais din niyang makahanap ng mga sagot tungkol sa pagkawala ng kanyang partner isang dekada na ang nakalilipas.
Sinabi ring hango sa mga totoong pangyayari ang pelikula.
Bahagi ang “Birdsong” ng mga proyektong nakalinya sa Ilaya Ilaya Studios, ang bagong production house na itinatag ng filmmaker at producer na si Antoinette Jadaone. Nakatuon ang women-led studio sa mga kuwentong Pilipino, partikular sa mga salaysay na umiikot sa karanasan ng kababaihan, sa larangan ng pelikula, telebisyon, at teatro.
Kamakailan lamang, nagkamit ang “Birdsong” ng Kantana Sound Studio Asian Project Award sa Bangkok International Content Market 2026.
Sa panayam ng Deadline, ipinaliwanag ni Jadaone kung bakit nila napiling makatrabaho si Miras sa proyektong tumatalakay sa horror genre na matagal nang dominado ng kalalakihan.
“It's our first time working with Pam Miras as a director, and it is in a genre that is male-dominated. We really love the way Pam handles experimentation in her films,” ani Jadaone.
Bukod sa “Birdsong,” mayroon pang iba’t ibang proyekto ang Ilaya Ilaya Studios, kabilang ang dark comedy na “Boldstar,” na pagbibidahan ni Angelica Panganiban; ang supernatural comedy na “Chandra Catacutan and the Curse of the Fuchsia Moon,” na tampok si Eugene Domingo; at ang immersive stage adaptation ng “Sunshine,” na pangungunahan ni Maris Racal.

