top of page

Josh Cullen ng SB19, nag-solo para sa ‘LIKE ME’ Showcase

Sari Story

September 21, 2026 at 12:09:35 PM

Promotional card ni Josh Cullen para sa kanyang “LIKE ME” solo showcase sa SM Aura sa Setyembre 26.

Magso-solo si Josh Cullen sa “LIKE ME” Showcase sa SM Aura sa Setyembre 26. (Screengrab ng card mula sa Instagram account ni Josh Cullen)

Mula sa Instagram account ni Josh Cullen

Sa pagkakataong ito, magso-solo si Josh Cullen ng SB19 para sa kanyang showcase na “LIKE ME,” na gaganapin sa Setyembre 26 sa Samsung Hall, SM Aura sa Taguig. Inihahandog ito ng 1Z Entertainment, ang sariling management company ng SB19, habang patuloy na pinapalawak ni Josh ang kanyang solo music career.


Kamakailan ay nagbigay si Josh, 32, ng pasilip sa kanyang showcase sa pamamagitan ng promotional poster nito. Tampok sa poster ang kanyang profile na may asul na digital-glitch background at may computer code-inspired effects. Kasabay ng artwork, nagbigay rin si Josh ng teaser: “What makes you, you?”


Agad itong umani ng reaksyon mula sa A’TIN, kung saan pinuri ng mga fans ang konsepto at pagkakagawa ng poster. Isang fan ang nagkomento, “Since your first solo debut to your comeback solo tease pubmats, well thought of talaga.” May iba naman na nagkomento ng, “napaka angas boss” at “angas ng lapag natin ssob ah.”


Ang mga palayaw na ito ay tumutukoy sa kanyang malakas na presensya sa entablado at astig at awtoritatibong dating, na iniuugnay ng A’TIN sa SB19 lead rapper at dancer.


Nasa ₱4,500 hanggang ₱9,000 ang presyo ng mga ticket, mula Upper Balcony hanggang VIP tiers, at available na ngayon ang general sale sa pamamagitan ng Ticketmaster Philippines.


Kasama sa VIP tickets ang photocard, poster, exclusive ID, hi-bye session, at access sa soundcheck. Ang mga may Upper o Lower Balcony tickets naman ay makatatanggap ng photocards at posters.


Dalawang ticket lamang ang maaaring bilhin sa bawat checkout, habang hanggang walong ticket naman ang maaaring mabili sa bawat account.


Ang “LIKE ME” Showcase ay isa na namang dagdag sa mga milestone sa patuloy na paglago ng solo career ni Josh. Nag-debut siya bilang solo artist sa pamamagitan ng kantang “Wild Tonight” noong 2023, bago nagsagawa ng kanyang unang solo concert na “Lost & Found” noong Setyembre 2024 sa New Frontier Theater. Kasabay din ng concert ang paglabas at pagdiriwang ng kanyang unang album, na binubuo ng siyam na kanta.


Sa “Lost & Found,” itinanghal ni Josh ang ilan sa kanyang mga solo track tulad ng “Get Right,” “See Me,” “Silent Cries,” at “1999.”


Nagkamit din ng ilang parangal ang kanyang solo work, kabilang ang Breakthrough Artist of the Year sa 9th Wish Music Awards noong 2024 at Hip-hop Song of the Year para sa “Get Right” sa 10th Wish Music Awards noong 2025.

bottom of page