top of page

Joseph Marco, ipinagdiwang ang ika-38 kaarawan kasama ang mga rescued animals

Kimberly Asis / Sari Story News

October 6, 2026 at 11:11:39 AM

Larawan ni Joseph Marco.

Larawan kuha mula sa Instagram ni Joseph Marco.

INSTAGRAM / Joseph Marco

Ipinagdiwang ni Joseph Marco ang kanyang ika-38 kaarawan sa paraang malapit sa kanyang puso—kasama ang mga rescued animals at pagtulong sa kanilang mga pangangailangan.


Ipinagdiwang ni Marco ang kanyang kaarawan sa Red Cubs Pet Patrol PH, isang nonprofit animal rescue at welfare organization na kumakalinga sa halos 600 rescued na aso at pusa.


Noong Oktubre 4, binisita ni Marco ang shelter kasama ang kanyang mga supporters. Nakipag-bonding siya sa mga rescued animals at nagpa-picture kasama ang mga aso at pusa, kabilang ang ilan na nagtamo ng mga injury.


Nagdala rin ang grupo ng pet food at iba pang kinakailangang supplies para sa shelter, habang namahagi rin sila ng pagkain sa mga alagang hayop.


Ibinahagi ni Marco sa social media ang ilang larawan mula sa kanyang birthday celebration at ikinuwento kung gaano kasaya para sa kanya na gugulin ang kanyang espesyal na araw na napapalibutan ng napakaraming rescued animals.


“Celebrated my birthday today surrounded by almost 600 beautiful souls. My heart is so full,” saad niya.


Pinasalamatan niya ang kanyang supporters na Josephaholics at Josephelite Squad PH sa pag-organisa ng activity, gayundin ang Red Cubs Pet Patrol PH sa mainit na pagtanggap sa kanila sa shelter.


“The greatest gift is being able to give love, even in the smallest ways. Truly a birthday I’ll never forget,” dagdag niya.


Nagdiwang din ang aktor kasama ang kanyang pamilya bilang bahagi ng kanyang birthday celebration.


Kamakailan lamang, nag-upload si Marco ng vlog kung saan ibinahagi niya ang kanyang naging karanasan sa pagbisita sa shelter. Sa halos apat na minutong video, ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga fans at sa organisasyon na tumulong upang maging posible ang kanyang birthday celebration.


Inilarawan niya ang araw bilang “a birthday filled with gratitude, compassion, and love for those who need it most.”


Ipinakilala rin ni Marco si Cosmo, ang kanyang pinakabagong rescue cat na kanyang inampon.


Ginamit din ng aktor ang video upang ipaliwanag kung bakit umaasa siyang mahihikayat niya ang iba na magkaroon ng malasakit sa mga hayop.


“Just really hoping na meron akong mga nai-inspire, kasi nakakalungkot lang dumadami iyong mga nagko-content na sinasaktan nila 'yung mga animals just for the views and likes,” pagbabahagi niya.


“So, I hope I get to reverse that by somehow educating people na it's still compassion that should prevail,” dagdag niya.


Isang araw bago ang kanyang kaarawan, noong Oktubre 3, bumisita rin si Marco at ang kanyang supporters sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), kung saan nakipag-bonding sila sa mga hayop at nag-donate ng mga kinakailangang supplies.


Matagal nang hayagang ipinapakita ni Marco ang kanyang pagmamahal sa mga hayop, lalo na sa mga pusa. Sa kasalukuyan, mayroon siyang 19 na rescued cats na inaalagaan.

bottom of page