John Arcilla, nagbigay ng tapat na opinyon sa ‘Clayface’ ng DC
Kimberly Asis / Sari Story News
October 26, 2026 at 10:19:29 AM
Pinuri ni John Arcilla, na kilala sa pagganap sa mga komplikado at may iba’t ibang dimensiyon na karakter sa mga pelikulang tulad ng “Heneral Luna” at “On the Job: The Missing 8,” ang pelikulang “Clayface” ng DC dahil sa sariwang pagtalakay nito sa isang pamilyar na kontrabida sa komiks.
Sa isang detalyadong review na ibinahagi sa Facebook, pinuri ng award-winning actor ang pelikula dahil sa mga hindi inaasahang plot twist, lohikal na pagkakabuo ng kuwento, at mga nakapangingilabot na tagpong magpapakilabot sa mga manonood.
Umiikot ang “Clayface” sa kuwento ni Matt Hagen, isang aktor na may malaking pangarap ngunit biglang nasira ang magandang takbo ng karera matapos dumanas ng isang atakeng lubhang nagpabago sa kanyang hitsura. Desperado siyang maibalik ang dati niyang anyo at maipagpatuloy ang kanyang buhay kaya sumailalim siya sa isang eksperimental na paggamot na humantong sa isang nakatatakot na pagbabago.
Tinutuklas ng kuwento ang madilim na bahagi ng paghahangad niya sa kasikatan, pagkakakilanlan, at paghahanap ng pagkakataong maitama ang nakaraan. Sa ganitong paraan, ang personal niyang trahedya ang nagsisilbing pinagmulan ng kanyang pagiging kontrabida.
Para kay Arcilla, isa sa mga dahilan kung bakit naging epektibo ang pelikula ay ang kakayahan nitong magbigay ng sariwang pananaw sa mga pamilyar na elemento ng kuwento.
“What engaged me so much about this 2026 flick was this: Why does each and every familiar scene feel so freshly presented? Why does it feel so common yet simultaneously so logically executed, with a stream of ‘something new’ twists?” sulat niya.
Inilarawan ng aktor ang katangiang ito bilang “magic” ng pelikula dahil napapanatili nito ang kanyang interes at atensiyon sa kuwento. Para rin sa kanya, naging epektibong pagpapakilala ang pelikula sa karakter at nagawa ng mga bumuo nito ang layunin nilang makamit.
“This Clayface 2026 presentation can stand alone as a legitimately entertaining, mind-boggling, creepy, and hair-raising thriller,” ani Arcilla.
Gayunman, napaisip din si Arcilla tungkol sa naging pagtangkilik ng mga manonood sa pelikula sa takilya.
“I was again curious whether it was the ticket price or Clayface’s ‘unpopular’ reintroduction to the mainstream, considering that the character first appeared in Gotham City more than 60 years ago.”
Tulad ng iba pang kritiko ng pelikula, ibinahagi rin ni Arcilla ang kanyang pananaw sa pagtalakay ng pelikula sa pinagmulan ni Clayface sa komiks, partikular sa dalawang magkaibang bersiyon ng karakter na ipinakilala noong dekada 1940 at dekada 1960.
Sa tinawag niyang sariling “unpopular opinion,” iminungkahi niyang mas maayos sanang pinag-ugnay ng mga gumawa ng pelikula ang dalawang bersiyon kung ginamit ang Basil Karlo bilang legal na pangalan ng karakter at Matt Hagen naman bilang screen name nito.
“That way, they would not simply merge the two characteristics of one villain from two different generations’ interpretations but could instead flawlessly stitch the two into one real character,” paliwanag niya.
Ayon kay Arcilla, magiging malikhaing paraan sana ito upang pag-ugnayin ang magkakaibang bersiyon ng karakter. Aniya, karaniwan naman sa Hollywood at sa iba pang industriya ng pelikula ang paggamit ng magkaibang legal na pangalan at screen name.
“Just a thought. It’s only me,” dagdag niya.
Isa si Clayface sa mga kalaban ni Batman sa kathang-isip na Gotham City. Unang lumitaw ang karakter sa DC Comics noong dekada 1940 bilang si Basil Karlo, isang dating aktor na bumaling sa krimen. Samantala, ipinakilala naman noong dekada 1960 si Matt Hagen bilang isa pang bersiyon ng kontrabida.
Sa kabila ng kanyang mga puna sa pagtalakay ng pelikula sa kasaysayan ng karakter, hinikayat pa rin ni Arcilla ang mga manonood na bigyan ito ng pagkakataon.
“Aside from all the Filipino films you are willing to support at the box office, I think Clayface is such a worthwhile way to spend your money on entertainment,” pahayag niya.
Binanggit din ng aktor na maaaring makatulong ang pelikula upang masagot ang mga tanong ng mga tagahanga ng DC tungkol sa kung paano naging isa si Clayface sa mga pinakakilalang kalaban ni Batman.
Bago tapusin ang kanyang post, ibinahagi rin ni Arcilla ang tungkol sa kanyang nalalapit na horror film na “Haunted Carnival,” na kabilang sa mga entry ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong Pasko.
“See you all in cinemas! God bless everyone!” pagtatapos niya.

