top of page

Joel Torre, kasama sina Lee Joon-gi at co-stars sa Japan premiere ng ‘kiDnap GAME’

Kimberly Asis /Sari Story News

October 5, 2026 at 10:49:38 AM

Larawan ni Joel Torre at Korean actor Lee Joon Gi.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Joel Torre.

INSTAGRAM / Joel Torre

Kamakailan ay dumalo sa Japan ang batikang aktor na si Joel Torre kasama ang kanyang mga co-star sa “kiDnap GAME” para sa premiere night ng serye, bago ito mapanood simula Oktubre 6 sa Viu.


Nagbahagi ang beteranong aktor ng ilang larawan mula sa event sa kanyang social media, kabilang ang mga kuha kasama ang kanyang mga kasamahan sa cast.


“Kidnap Game Premiere Night! Kentaro Sakaguchi and Lee Joon-gi are the main leads!!” pahayag ni Torre sa kanyang social media post.


Sa isa pa niyang post, inanyayahan ng award-winning actor ang mga tagahanga na panoorin ang serye sa Viu habang binibigyang-diin ang lawak ng produksyon nito.


“‘KIDNAP GAME’ streaming on VIU starting Oct 6 at 8:00pm. A Seven Asian Countries Production. Tokyo, Seoul, Manila, Bangkok, Taiwan, Singapore and Hongkong!!” aniya.


Sa serye, gagampanan ng 65-anyos na si Torre ang karakter na si Miguel, isang mabait at masipag na taxi driver na lumaki sa kahirapan at determinado na mabigyan ng mas magandang buhay ang kanyang pamilya.


Magbabago ang kanyang mundo nang dukutin ang kanyang pinakamamahal na apo, dahilan upang mapasok siya sa isang mapanganib na survival game para mailigtas ang kanyang pamilya.


Iikot ang crime thriller sa magkakasabay na kidnapping na magaganap sa pitong lungsod sa Asia. Makatatanggap ng misteryosong email ang mga pamilya ng mga biktima na nagsasabing napili sila para maging bahagi ng isang “kidnap game.”


Bawat kalahok ay bibigyan ng isang partikular na misyon na kailangan nilang tapusin bago ang iba, habang nananatiling nasa panganib ang kanilang mga mahal sa buhay.


Kabilang din sa international cast ang Taiwanese actress na si Alice Ko, Hong Kong actor na si Stanley Yau, Singaporean actress na si Carrie Wong, at Thai actress na si Praew Narupornkamol Chaisang.


Kasama rin sa Japanese cast sina Shinnosuke Mitsushima, Yuki Sakurai, Sae Okazaki, Show Kasamatsu, at Machiko Ono.


Ang “kiDnap GAME” ay co-production ng South Korea, Japan, at Hong Kong, at kinunan sa pitong lungsod sa Asia—Tokyo, Seoul, Manila, Bangkok, Taipei, Singapore, at Hong Kong.


Nauna nang sinabi ni Hiroaki Kato, direktor mula sa Fuji Television, na nagsagawa ang production team ng paghahanap sa iba’t ibang rehiyon upang mahanap ang mga aktor na pinakaangkop sa kanilang mga karakter.


Sa tulong ng MakerVille sa Hong Kong at SimStory sa South Korea, nakipag-ugnayan sila sa mga artista mula sa iba’t ibang bansa at nabuo ang cast na inilarawan ni Kato bilang ideal para sa serye.


Mapapanood ang “kiDnap GAME” sa Viu simula Oktubre 6.


Samantala, nagtapos naman noong Oktubre 2 ang isa pang serye ni Torre na “A Secret in Prague.”

bottom of page