top of page

Jillian Ward, aminadong in love, mas inspired ngayon

Kimberly Asis / Sari Story News

November 6, 2026 at 10:22:52 AM

Larawan ni Jillian Ward.

Larawan kuha mula sa Facebook account ni Jillian Ward.

FACEBOOK /Jillian Ward

Inamin ni Jillian Ward na in love siya ngayon, subalit tumangging ibunyag kung sino ang lalaking nagpapatibok sa kaniyang puso nang maging guest siya sa “Fast Talk with Boy Abunda.”


Ayon kay Jillian, mas nagkaroon siya ng inspirasyon ngayong umiibig siya. Napagtanto rin niya na hindi lamang trabaho ang dapat pagtuunan ng pansin sa buhay.


Tinanong ni Boy si Jillian kung ang aktor na si Kobie Brown ba ang inspirasyon sa music video ng kaniyang kantang “Lowkey,” na siya rin ang sumulat. Hindi ito kinumpirma ng 21-anyos na aktres. Sa halip, pabirong sinabi niya, “Ay, naku. Si Tito Boy. Kahit anong names ang ibigay mo, wala akong ibibigay sa inyo na name.”


Bagama't piniling ilihim ang pagkakakilanlan ng kaniyang dine-date, nagbahagi naman si Jillian ng ilang detalye tungkol sa lalaki.


“Super caring, and hindi siya takot na i-express yung appreciation niya sa akin. Whether siya friends niya yun, or sa family niya, or sa mga iba’t ibang tao na nakakasalamuha niya.”


Tumanggi na siyang magbahagi pa ng iba pang detalye dahil baka hindi niya mamalayang mabanggit ang pagkakakilanlan nito.


Binigyang-diin din ni Jillian ang kahalagahan ng pagsang-ayon ng kaniyang pamilya pagdating sa lalaking manliligaw sa kaniya. Aniya, hindi niya bibigyang-pansin ang isang lalaki hangga't hindi nito nakukuha ang basbas ng kaniyang mga magulang.


“Ako po talaga, pag hindi ako binigyan ng green light ni Mama at Papa, or kahit po ng mga kapatid ko, hindi ko ie-entertain yung isang guy. Kasi sobrang importante sa akin na ligawan niya muna yung family ko bago ako. And that's what he did,” pagbabahagi niya.


Dagdag pa niya, gusto ng kaniyang mga magulang ang lalaking dini-date niya kaya mas panatag at kumpiyansa ang kaniyang loob na magmahal muli ngayon, hindi tulad noong dumaan siya sa puppy love.


“This time, mas confident na po ako to love and mas ready po ako,” aniya.


Bukod dito, nagsilbi ring inspirasyon kay Jillian ang pagiging in love upang mas bigyang-pansin at i-enjoy ang iba pang aspeto ng kaniyang buhay sa labas ng kaniyang career.


“Siguro po ano, mas inspired po ako ngayon. At tsaka natutunan ko na yung life po pala hindi lang dapat puro work. Kumbaga, sa 20s ko gusto ko mabalanse yung sa family life ko. Tapos yung sa friends ko, sa matters of the heart. Ayun. Parang gusto ko po talagang enjoy-in yung pagiging dalaga ko,” pagbabahagi niya.


Bahagi rin ng nais niyang ma-enjoy ang pamamasyal at paggawa ng mga simpleng bagay, gaya ng pagpunta sa mga mall. Inamin ni Jillian na kung minsan ay nagkukunwari siyang ibang tao o nagdi-disguise kapag namamasyal at gumagamit ng ride-hailing service upang malayang magawa ang mga ito nang hindi palaging nakikilala ng publiko.


Samantala, abala si Jillian sa paghahanda para sa isang mahalagang milestone sa kaniyang career: ang kauna-unahan niyang concert na gaganapin sa Disyembre 8 sa New Frontier Theater. Kabilang sa mga kumpirmadong special guest sa kaniyang concert ang singer-songwriter na si Ogie Alcasid.

bottom of page