top of page

Jihyo ng K-pop group na TWICE, umalis na sa JYP matapos ang 21 taon

Kimberly Asis / Sari Story News

October 23, 2026 at 3:09:27 AM

Larawan ni K-pop TWICE, Jihyo.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Jihyo.

INSTAGRAM / Jihyo

Opisyal nang nagpaalam si Jihyo, lider at pangunahing bokalista ng K-pop group na TWICE, sa JYP Entertainment matapos ang 21 taon. Sa kabila ng pag-alis sa naturang ahensiya at pagtatatag ng sarili niyang kumpanya para pamahalaan ang kanyang solo career, mananatili siyang miyembro ng TWICE.


Ibinahagi ng 29-anyos na K-pop singer ang balita nitong Miyerkules sa pamamagitan ng isang sulat-kamay na liham na inilathala niya sa Instagram. “After 21 years, my journey with JYP, which began when I was just a child, has come to an end," saad sa kanyang pahayag.


Sa pagbabalik-tanaw sa kanyang mga taon sa kumpanya, inamin ni Jihyo na hindi madaling ibuod sa iilang salita ang mahigit dalawang dekada niyang karanasan.


"Trying to put 21 years into just a few words is harder than I thought it would be,” aniya. “There were good days and difficult ones, but one thing I know for certain is that every one of those moments has shaped who I am today.”


Nagpasalamat din siya sa JYP at sa mga kawani nito sa pagiging bahagi ng kanyang paglalakbay, at binigyang-diin na mananatiling mahalaga sa kanya ang mga karanasan at alaalang pinagsaluhan nila.


"I will always cherish the time we shared and the memories we made together."


Kasunod ng kanyang pag-alis, nakatakdang mas palawakin ni Jihyo ang kanyang kalayaan sa paghawak ng solo career sa pamamagitan ng EMITHAUS, ang kumpanyang itinatag niya para pangasiwaan ang kanyang mga indibidwal na proyekto. Ipinaliwanag niyang nagmula ang pangalan ng ahensiya sa salitang "EMIT," na nangangahulugang magpahayag (express) o magpalabas (release).


"As the first step in this new chapter, I have established my own company, EMITHAUS," aniya.


Sa pamamagitan ng bagong negosyo, nais ni Jihyo na tuklasin ang iba't ibang malikhaing posibilidad at makilala pa ang iba pang aspeto ng kanyang sarili bilang isang artist.


Kinilala rin niya ang mga hamong kaakibat ng pag-alis sa isang nakasanayang kapaligiran at pagharap sa mga bagong responsibilidad.


"As I step away from a familiar environment and begin working in new ways, I will approach every decision and every endeavor with even greater thoughtfulness and responsibility."


Bagama't nagwakas na ang propesyonal na ugnayan niya sa JYP, nilinaw ni Jihyo na hindi magbabago ang kanyang dedikasyon sa TWICE. Magpapatuloy siya sa mga aktibidad ng grupo kasama ang mga kapwa miyembro habang pinauunlad ang kanyang solo career sa ilalim ng EMITHAUS.


"TWICE is an irreplaceable part of my life. I will continue to stand on stage with my members and keep building more memories together for many years to come," pahayag niya.


Nagpasalamat din si Jihyo sa ONCE, ang tawag sa mga tagahanga ng TWICE, sa patuloy na pagsuporta sa kanya at sa grupo sa loob ng 11 taon. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa isang artist sa iba't ibang yugto ng buhay at personal na pag-unlad nito.


“I know that watching someone grow and change through so many stages of life and continuing to support them along the way is never something to be taken for granted.


"I will continue to fill the years ahead with choices and efforts that stay true to who I am and keep growing as an artist who lives up to all the love and support you’ve given me. Thank you,” pagtatapos niya.


Nagsimula ang journey ni Jihyo sa JYP noong 2005 bilang trainee. Nag-debut siya bilang lider at pangunahing bokalista ng TWICE noong 2015. Pinalawak naman niya ang kanyang karera bilang solo artist sa paglabas ng mini-album na "ZONE" noong 2023.


Ang JYP, na isa sa mga pangunahing ahensiya ng K-pop sa South Korea, ay tahanan din ng mga sikat na grupo gaya ng ITZY at Stray Kids, gayundin ng ilang miyembro ng 2PM.

bottom of page