Jesse Eisenberg at Julianne Moore, itinampok sa pangwakas ng London Film Festival ang ‘The Debut’
Reuters / Francesca Halliwell; Isinalin ng Sari Story Network
October 20, 2026 at 7:53:52 AM
Sinabi ng aktor at filmmaker na si Jesse Eisenberg na si Julianne Moore ang nasa isip niya nang isulat niya ang pangunahing papel sa musical comedy na “The Debut.” Pinuri niya ang Oscar-winning actress bilang “the greatest actress in the world” o pinakadakilang aktres sa buong mundo, nang magsilbing pangwakas na pelikula ng London Film Festival ang kanilang obra nitong Linggo.
“Iniisip ko lang noon na si Julianne Moore ito, kaya isusulat ko ang bawat eksena na iniisip siya, kung ano ang gusto niyang gawin at kung saan siya mahusay (I just thought, this is Julianne Moore, and I will write every scene with her in mind and what she likes to do and what she's great at),” ani Eisenberg, na sumulat ng iskrip at nagdirek ng pelikula, sa panayam ng Reuters sa red carpet.
Gumaganap si Moore bilang si Mona, isang mahiyain at maybahay mula sa New Jersey na labis na nasasabik matapos makuha ang isang papel sa isang musical na itatanghal sa community theater.
Dahil sa hangaring punan ang isang kakulangan sa kaniyang buhay, natagpuan ni Mona ang layunin at pakiramdam ng pagiging kabilang sa isang komunidad sa pamamagitan ng pagtatanghal.
“May isang bagay siyang gustong makamit dahil alam niyang may kulang sa kaniyang buhay ("She's moving towards something, knowing that there's something that she needs in her life),” ani Moore. “Pagkatapos, ang bagay na iyon ang magtutulak sa iyo na mas makilala ang iyong sarili at mapalapit sa komunidad, na siyang pinakamahalaga sa lahat (Then that thing leads you towards yourself and towards community, which is really the most valuable thing of all).”
Ang pelikula ang pinakabagong directorial project ni Eisenberg matapos ang kaniyang iskrip para sa “A Real Pain,” na nagkamit ng parangal mula sa British Academy of Film and Television Arts (BAFTA). Tampok dito ang pitong orihinal na awiting isinulat ng filmmaker.
Itinatanghal ang mga awitin sa kathang-isip na dulang “Nosy Neighbours,” isang magaang musikal na hango sa estilo ng dekada 1990. Kabilang sa mga gumaganap dito si Halle Bailey, na nakilala sa pelikulang “The Little Mermaid.”
“Gustong-gusto kong magsulat ng mga kanta. Mahilig ako sa musika ng musical theater, at buong puso kong isinulat ang mga awiting ito (I love songwriting, I love musical theatre music and I wrote these songs in earnest),” ani Eisenberg.
Sinusubok ng mga unang pagkabigo ni Mona sa entablado ang pasensiya ng direktor na si Jerry, na ginagampanan ni Paul Giamatti, na nakilala rin sa pelikulang “The Holdovers.” Dahil dito, lalo pang isinasapuso ni Mona ang kaniyang papel sa pamamagitan ng mas matinding paggamit ng method acting.
Ayon kay Eisenberg, nagawa niyang bigyan ng puwang ang isang “kakaibang pelikula” dahil sa interpretasyon ni Moore sa karakter ni Mona, habang nananatiling kapani-paniwala ang kuwento.
“Talagang hindi siya pangkaraniwan, talagang kakaiba siya (She is so unusual, she's so strange),” ani Eisenberg. “Dahil dito, nakagawa ako ng pelikulang hindi kailangang maging makatotohanan (It allowed me to make a movie that wasn't realistic).”
Bagama't dinadala ni Mona sa sukdulan ang method acting, sinabi ng aktor na kilala rin sa pelikulang “Now You See Me” na gumagamit ang lahat ng aktor, kabilang siya, ng ilang anyo ng naturang pamamaraan.
“Palagi kong nararamdaman ang nararamdaman ng karakter ko (I always wind up feeling whatever the character feels),” aniya. “Kaya kung miserable ang karakter ko, miserable rin ako sa buong shooting. Pero hindi ko namamalayang ginagawa ko iyon para sa karakter. Ang iniisip ko lang, ‘Diyos ko, baka napakasama ng pagganap ko sa pelikula.’ (So if my character is miserable, I spend the shoot just miserable. But I don't realise it's for the character. I just think, 'Oh God, I must be doing terribly in the movie'.)”
Sinabi ni Eisenberg, na mayroon ding maliit na papel sa “The Debut,” na hango ang kuwento sa sarili niyang karanasan noong bata pa siya at sumasali sa mga pagtatanghal sa community theater. Dito niya natagpuan ang “isang pamilya, isang tahanan at isang buhay” na nagustuhan niya.
Ayon naman kay Patrick Fabian, na gumaganap bilang asawa ni Mona sa pelikula, nag-aalok ang teatro ng isang bagay na bihira nang maranasan ngayon, ang pagkakataong personal na makaugnayan ng mga tao ang isa't isa.
“Pinagbubuklod nito ang mga tao. Sa panahon ngayon, nailalayo sila nito sa kanilang mga screen at napagsasama sa isang madilim na teatro upang manood ng anumang itinatanghal (It brings people together, and these days, it gets them out of their screens and into the dark together to watch whatever is going on),” ani Fabian. “Sa tingin ko, tunay itong paraan upang mapatibay ang ugnayan ng mga tao (I think that's a real bonding thing).”
Nagtapos ang ika-70 London Film Festival sa pamamagitan ng pagpapalabas ng “The Debut.” Samantala, kinilala bilang Best Film sa Official Competition ang “Imperium” ng Ukrainian filmmaker na si Sergei Loznitsa.

