Jersey ni Rene Baterbonia, makikita sa museo ni Boss Toyo
Kimberly Asis / Sari Story News
October 6, 2026 at 11:53:56 AM
Ang jersey ng yumaong basketball player na si Rene “Bobet” Baterbonia ay ipinagkatiwala sa content creator at collector na si Jayson Luzadas, na mas kilala bilang Boss Toyo, upang maging bahagi ng kanyang koleksiyon at ipakita sa kanyang museo sa Quezon City.
Ayon sa ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia, kusa niyang ipinagkatiwala kay Boss Toyo ang jersey at walang anumang bayad na kapalit. Ang jersey na may numerong 2 at hindi pa nalalabhan ay isinuot ni Rene noong Grade 11 siya sa Ateneo de Davao University, noong nagsisimula pa lamang siya bilang student-athlete.
Itinampok ang pagbibigay ng jersey sa isang episode ng “Pinoy Pawn Stars” ni Boss Toyo sa YouTube, kung saan bumisita sa kanyang shop ang mga magulang ni Rene na sina Rovelyn at Rene Baterbonia, kasama ang kanyang partner na si Mary Jhoy.
Sa kanilang pag-uusap, tinalakay rin nila ang mga kumalat na balitang balak umanong ibenta ng pamilya ang jersey ni Rene. Itinanggi ito ni Rovelyn at sinabing wala siyang planong ibenta ito, kahit gaano pa kalaking halaga ang ibigay.
Naalala niya na may nagtanong sa kanya kung balak bang bilhin ni Boss Toyo ang jersey mula sa kanila.
“May nagtanong po sa akin na ganyan, ‘Totoo ba ‘yung bibilhin ni Boss Toyo ‘yung jersey ng anak mo?’ Sabi ko hindi ko ‘yun ibebenta sa kanya kahit ilang [milyon],” aniya.
Kumalat ang usap-usapan na bibilhin umano ni Boss Toyo ang jersey sa halagang ₱25 milyon. Pinabulaanan naman ito ni Boss Toyo at sinabing nagulat siya na may ganitong haka-haka na kumalat, lalo na’t nagluluksa pa noon ang pamilya.
“Sabi nga meron… ilang milyon ba ‘yun? 25 million. Grabe. Sabi ko, minsan iba na rin talaga ang mga netizens natin eh. Kahit may nagdadalamhati,” ani Boss Toyo.
Ibinahagi rin niya sa mga magulang ni Rene na sinadya niyang manahimik noon at hindi gamitin ang sitwasyon para makakuha ng atensyon o publicity.
“Never ako sumakay doon sa clout. Never akong gumawa ng kahit anong gimik nung time na yun. Kasi alam ko ‘yung mga panahon na ‘yon hindi para sakyan mo... ‘yung maiinit na topic, lalo na sa sensitibong topic na ganon,” aniya.
Nagpasalamat naman si Boss Toyo sa mga magulang ni Rene sa pagtitiwala sa kanya ng isa sa mga personal na gamit ng kanilang anak. Muli niyang nilinaw na hindi niya binili ang jersey mula sa pamilya.
“Ito ay para lang sa kaalaman niyo. Hindi ito binenta,” paglilinaw niya.
Nagbiro rin si Boss Toyo tungkol sa napaulat na ₱25-milyong halaga ng jersey.
“Magbabayad ako ng ₱25 million? Wow, sobrang yaman ko naman,” aniya, habang maririnig naman si Mary Jhoy na nagsabing, “Hindi totoo.”
Ayon kay Boss Toyo, iingatan niya ang jersey at ipapakita ito sa kanyang Pinoy Pawn Stars museum sa Quezon City kapag natapos na ang renovation. Nilinaw rin niyang hindi ito ibebenta.
“Para po sa mga taga-Manila, mga taga-QC, nasa Luzon. Oo. Pwede na nilang makita. Pwede niyo na makita after ng renovation.”
Kapag natapos na ang renovation, matutunghayan ng mga bibisita sa museo ang jersey na naka-display kasama ng iba pang pop culture pieces at memorabilia.

