top of page

Jennylyn at Dennis Trillo, nagbihis bilang horror-movie characters kasama ang mga anak

Kimberly Asis / Sari Story News

November 2, 2026 at 10:23:05 AM

Larawan ng pamilya ni Jennylyn at Dennis Trillo na nagsuot ng mga nakakatakot na  custome.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Dennis Trillo.

INSTAGRAM / Dennis Trillo

Ibinahagi kamakailan ng celebrity couple na sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado sa social media ang mga larawan ng kanilang pamilya para sa Halloween. Ipinakita nila ang kanilang costume kasama ang tatlo nilang anak na sina Calix, Alex Jazz, at Dylan Jade sa isang family photoshoot.


Una nilang ibinahagi ang isang video na naglalaman ng mga behind-the-scenes moments mula sa kanilang photoshoot, na nagbigay sa mga tagahanga ng silip sa paghahanda ng pamilya para sa Halloween.


“Hello Halloween 2026,” caption ni Dennis sa kaniyang post.


Naglaro naman sa mga salita si Jennylyn sa pamamagitan ng pagsasama ng kanilang tunay na apelyido sa kaniyang Halloween greeting. “Happy HO-lloween from our spooky little circus!” saad niya sa kaniyang post.


Sa mga sumunod na post, ibinahagi ng mag-asawa ang mga group photo ng buong pamilya, gayundin ang magkakahiwalay na larawan na nagpapakita ng Halloween look ng bawat isa.


Nagbihis si Dennis bilang si Art the Clown mula sa slasher film na “Terrifier,” habang ginaya naman ni Jennylyn ang karakter na si Valak mula sa horror film na “The Conjuring." Ang panganay na anak ni Dennis na si Calix, na anak niya sa dating beauty queen at model na si Carlene Aguilar, ay nagbihis bilang si Michael Myers mula sa “Halloween” film franchise.


Samantala, ginaya naman ni Alex Jazz, anak ni Jennylyn sa dati nitong karelasyon na aktor na si Patrick Garcia, si Ghostface mula sa “Scream” film franchise. Ang bunso naman nilang si Dylan Jade ay nagbihis bilang si Annabelle mula sa “Annabelle” film series.


“The family that take SCARE of each other… Slays together,” caption ng aktor sa kaniyang post.


“A family that scares together, stays together,” naman ang caption ni Jennylyn sa kaniyang post.


Umani ng maraming positibong reaksiyon mula sa netizens ang Halloween costumes ng pamilya. Marami ang natuwa na sama-samang ipinagdiwang ng mag-asawa at ng kanilang mga anak ang okasyon.


“The best family Halloween costumes na nakita ko,” komento ng isang netizen.


“Ang galing. ang scary talaga ng costume nyo po,” saad naman ng isa pa.


“Wow ganda caption love you Dennis and Jennylyn,” dagdag ng isang tagahanga.


Hindi rin napigilan ng ilan na purihin ang cute at adorable na hitsura ni Dylan sa kaniyang costume. Ayon sa kanila, mas mukha itong cute at charming kaysa nakakatakot.


Samantala, muling nabanggit ng ilang netizens ang naging “bag” joke ni Dennis kamakailan. Pabirong tinanong siya ng ilan sa comment section kung, “nasan ang bag mo?”


Naugnay ang mga komento sa muling naging usap-usapan tungkol sa panayam kay Patrick Garcia, kung saan tinanong siya kung nagbibigay pa rin ba siya ng pinansiyal na suporta para sa anak nila ni Jennylyn na si Alex Jazz.


Ayon kay Patrick, hindi na niya ito nagagawa dahil matagal na niyang hindi nakikita o nakakasama ang kaniyang anak. Dahil dito, muling nabuhay sa usapan ang naunang “bag” remark ni Dennis.


Maraming netizens ang nagpahayag ng paghanga sa paraan ng pagdiriwang nina Dennis at Jennylyn ng Halloween bilang isang pamilya, kasama ang tatlo nilang anak.


Madalas ibinabahagi nina Jennylyn at Dennis sa social media ang mahahalagang kaganapan at pang-araw-araw na ganap sa kanilang pamilya, kabilang ang mga personal na milestone, espesyal na okasyon, at mga aktibidad na may kaugnayan sa kanilang trabaho.

bottom of page