top of page

Jennie ng BLACKPINK, gumawa ng kauna-unahang soundtrack song para sa Netflix animated na ‘Steps’

Kimberly Asis / Sari Story News

November 4, 2026 at 1:07:45 PM

Larawan ni Jennie ng grupong BLACKPINK.

Larawan kuha mula sa Facebook page ni Jennie at Netflix.

FACEBOOK / Jennie / Netflix

Isinulat at kinanta mismo ng BLACKPINK member na si Jennie ang bago niyang awiting “Someone to Hold,” na nilikha niya para maging bahagi ng soundtrack ng animated film ng Netflix na “Steps.”


Inilarawan ng Netflix ang kanta bilang isang makabagbag-damdaming ballad na nagpapakita ng emosyonal na ugnayan ng mga pangunahing karakter sa kuwento. Maririnig din ang bahagi ng awitin sa bagong inilabas na trailer ng pelikula.


Sa isang pahayag na inilabas ng Netflix, ibinahagi ni Jennie ang kanyang excitement sa pagiging parte ng proyekto.


“I am so excited to join the Steps family, and it was really fun making my first song for an animated film. I love how much heart and personality the characters have, and I’m so happy I got to be a little part of their world. I hope you enjoy Steps and ‘Someone to Hold’ as much as I do,” saad niya.


Hindi na kailangang hintayin ng fans ang premiere ng pelikula para mapakinggan ang buong kanta. Nakatakdang ilabas ang “Someone to Hold” sa Biyernes, Nobyembre 6, alas-12:00 ng hatinggabi (EST), bago ang pagpapalabas ng pelikula at ng kasamang soundtrack nito sa Nobyembre 20.


Makakasama ni Jennie sa soundtrack sina singer Rose Gray, Amanda Seyfried, at EMEI, na nagbigay rin ng kani-kanilang orihinal na awitin para sa pelikula.


Kakantahin ni Gray ang “Meet Me on the Dance Floor” at katuwang din siya sa pagsulat ng “Smile and a Song,” na bibigyang-buhay naman sa pamamagitan ng boses ni Seyfried bilang Cinderella. Samantala, nag-ambag din si EMEI ng kantang “Understudy,” na hango sa kanyang personal na karanasan sa pakiramdam na hindi napapansin at nauunawaan ng ibang tao.


Si Justin Tranter ang songwriter at producer sa likod ng soundtrack ng pelikula, habang si Academy Award winner Kris Bowers naman ang bumuo ng musical score nito.


Nagbibigay ng bagong twist ang “Steps” sa klasikong kuwento ni Cinderella. Sa halip na ituon ang kuwento sa pangunahing karakter, bibigyang-pansin ng animated adventure ang magkapatid na stepsisters na sina Lilith at Margot at ang kanilang panig ng kuwento, sa halip na ilarawan lamang sila bilang mga kontrabida sa fairytale.


Sina Alyce Tzue at John Ripa ang mga direktor ng pelikula, na tampok sina Ali Wong at Stephanie Hsu bilang sina Lilith at Margot. Si Seyfried ang magbibigay-boses kay Cinderella, habang si Daniel Radcliffe naman ang gaganap bilang isang kakaiba at hindi pangkaraniwang Prince. Samantala, si Bette Midler ang magbibigay-boses sa Fairy Godmother.


Ayon sa opisyal na synopsis ng pelikula, magkakaroon ng hindi inaasahang pangyayari nang nakawin ni Lilith ang wand ng Fairy Godmother. Ito ang magpapasimula sa sunod-sunod na kaganapang babaligtad sa nakasanayang kuwento ng fairytale.

bottom of page